Uniwide wala na sa Baguio market development

LUNGSOD NG BAGUIO – Isinara na ng pamahalaang lungsod ang pintuan nito sa nabuwag ng Uniwide Sales and Realty Development Corporation bilang partner nito sa matagal ng nabinbin na development ng pampublikong merkado ng lungsod.
Inamin ni Mayor Benjamin Magalong na nagkita sila ng mga bagong grupo ng abogado ng korporasyon nitong nakaraang linggo sa Manila kung saan nagpanukala ang Uniwide ng ilang kondisyon para maging bahagi pa rin ang kompanya sa proyekto at mapagbigyan itong makabawi sa umano’y PhP300 milyon pinsala sa panahon ng pagkabinbin ng kaso.
Subalit ipinagbigay-alam ng Mayor sa mga abogado ng Uniwide na hindi katanggaptanggap ang mga panukala ng kompanya na maging bahagi pa rin ng implementasyon ng modernisasyon ng palengke.
Ilan sa mga panukala ng Uniwide ay payagan silang mag-imbita ng business partners sa implementasyon o para ibenta ang proyekto sa isang liquid developer upang makabawi ito sa pagkaluging nakamit sa panahon ng pagkabinbin ng kasong ipinila ng mga nanganganib na market vendors’ asscociation na kinuwestiyon ang constitutionality ng market development ordinance at ang validity ng kontratang pinasok s ng kompanya at pamahalaang lungsod noong Agosto 24, 1996.
Sinabi ni Magalong na matatag at pursigido ang lungsod na itaguyod ang development ng merkado sa partnership sa kinauukulang stakeholders upang makamit ang mga kasalukuyang pangangailangan.
Isa sa kasalukuyang 15-point collective agenda ng administrasyon ay ang pagkakaroon ng lungsod ng isang modernisadong pampublikong palengke na may kulturang inspirasyon.
Nauna dito ay ipinagbigay-alam ng pamahalaang lungsod sa itinalaga ng korte na liquidator ng Uniwide na ikinonsidera na nito na ang market development contract sa pagitan nila at ng lungsod ay deemed terminated at tinututulan ng lungsod ang panukalang assignment ng proyekto sa isang subsidiary.
Lumikha ang lungsod ng isang technical working group na binubuo ng pribado at pampublikong mga arkitekto upang ihanda ang comprehensive conceptual plan ng modernisadong palengke na magiging basehan para sa detalyadong project feasibility study.
Noong 1995 ay ipinasa ng city council ang Ordinance no, 038, series of 1995 na isinasaad ang mga panuntunan para sa panukalang development ng pampublikong merkado na nagresulta sa paggawa ng mga plano na nagbigay-daan sa pagsasagawa ng isang bidding para sa PhP1.7 bilyon na market development base sa mga nakaraang komputasyon.
Noong Agosto 24, 1996 ay iginawad ng pamahalaang lungsod ang market development project sa Uniwide dahil sa tanging ito lang sumunod at tumutugon na bidder, ngunit ito ay kinuwestiyon ng ilang grupo ng market vendors na binatikos ang paggawad ng kontrata at ang kaso ay umabot sa dalawampung taon kasunod ng desisyon ng lower at appellate courts pabor sa development plan ng pamahalaang lungsod na magiging is asana sa pinaka-modernong palengke bandang hilaga ng Metro Manila.
 
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon