Wrangler jeep nahulog sa bangin,dalawang estudyante namatay sa Benguet

LA TRINIDAD, Benguet – Dalawang estudyante ang iniulat na namatay, samantalang isa pa ang grabeng sugatan, matapos mahulog sa bangin ang sasakyan noong umaga ng Martes, Hunyo 8 sa Barangay Bahong, La Trinidad, Benguet.
Nakilala ang namatay na sina Cedric Batil Wasit, 25,driver, at Rolly Quintino, 24, kapuwa taga -Barangay Palew Tublay, Benguet, samantalang ang sugatan ay si Alzemier Anton Menes, 24, residente din ng nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng traffic division ng La Trinidad Municipal Police Station, ang mga biktima ay lulan ng Wrangler jeep na plakang ACZ-767 na minamaneho ni Wasit ay galing sa Poblacion, La Trinidad at patungong Upper Tomay, nang bigla itong kumabilang linya ng kalsada at bumangga sa road barrier, hanggang sa mahulog sa may 10 metrong lalim ng bangin, dakong ala 1:30 ng madaling araw.
Mabilis na nag-responde ang pulisya at tauhan ng Bureau of Fire and Protection at naisugod ang mga biktima sa Benguet General Hospital, subalit idineklarang dead on arrival sina Wasit at Quintino ni attending physician Dr. Lizelle Refuerzo, samantalang Menes ay ginagamot sa tinamo nitong mga sugat.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon