Youth Hub, planong ipatayo sa lungsod ng Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Balak ng National Youth Commission (NYC) na magpatayo ng Youth Hub sa lungsod upang maging one-stop shop para sa mga aktibidad ng gobyerno para sa kabataan.
Ayon kay NYC-CAR Baguio Chapter Area Officer Rosechelle Rojas, humihiling sila ng tulong sa gobyerno at mga non-government organizations (NGOs) upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng Youth Hub.
Aniya, ang Youth Hub ay magsisilbing sentro o pangunahing opisina ng lungsod para sa mga programa na may kinalaman sa kabataan.
Dagdag pa niya, maraming oportunidad para sa kabataan at iba pang ahensya ang nasasayang dahil hindi umano nila alam kung saan pupunta at hihingi ng tulong, kaya ang nasabing “hub” ang magiging tanggapan ng mga ito.
Noong ika-16 ng Pebrero, nauna nang nagbukas ng Youth Hub ang Tabuk City, Kalinga at kasalukuyang sumasailalim pa sa rehabilitasyon kaya nais hikayatin ng NYC-CAR ang iba pang nais tumulong, hindi lamang ang gobyerno para sa pagsasakatuparan nito.
“Mula nga nung nalaman ng ibang lugar na mayroon nang Youth Hub sa Tabuk, lalo na yung San Fernando, La Union, nahikayat talaga sila na magpatayo na rin ng sarili nilang hub. Kasi mas malaki talaga yung opportunities na pwedeng makuha kapag meron nito, lalo na para sa kabataan naman ito.”
Sa ngayon, may naitalang higit sa 100 ang ahensya na humihiling na matugunan ang pangangailangan ng kabataan at nananawagan ding maisakatuparan ang pinaplanong Youth Hub. Wendell L. Roque, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon