LUNGSOD NG DAGUPAN, PANGASINAN – Anim sa Pangasinan, apat sa Ilocos Sur at dalawa sa Ilocos Norte ang mga opisyal ng barangay na pinangalanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa isang press conference noong Abril 30 ay binanggit ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga opisyal ng barangay na kabilang sa tinatawag na narco list sa Rehiyon I.
Sa Pangasinan ay kinilala ang mga opisyal na sina Amado Japson, barangay chairman ng San Jose, San Nicolas; Roger Navasca, barangay kagawad ng Poblacion East, Agno; Barangay Chairman Eduardo Ramones at Kagawad Raywald Obra ng Ambabaay, Bani; Genaro Camorongan, barangay kagawad ng Beleng, Bayambang; at Marlon Serrano, barangay kagawad ng PNR Site, San Carlos City.
Ayon sa rekord ng ahensya, si Japson ay nauna nang naaresto noong Marso 29, 2016 dahil sa diumano ay kaugnayan nito sa isang private armed group at inalis sa tungkulin mula noon. Si Serrano naman ay isang repormista na sumailalim sa ilang pagsasanay para sa surrenderers, ayon sa kanyang pamilya.
Ang PDEA at ang Department of Interior and Local Government ay maghahain ng kaso laban sa mga nabanggit na opisyal sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Sa isang panayam kay Lawyer Marino Salas, provincial election supervisor sa Pangasinan, ay sinabi nitong maaari pa ring tumakbo sa halalan ang mga naturang barangay officials dahil ang binabawalan lamang ng batas ay ang mga taong nakulong na.
“They are not yet convicted, so they can still run for public office,” paglilinaw ni Salas.
Samantala, sa Ilocos Sur ay kabilang sa narco list sina Chris Conrad Navarro, barangay chairman ng Poblacion, Sta. Catalina; Jefferson Fajela, barangay kagawad ng Baliw Daya, Sta. Maria; Alfredo Monta Sr., barangay kagawad ng Poblacion Sur, Salcedo; at Palmie Susa, barangay kagawad ng Naglaoa-an, Sto. Domingo.
Sa Ilocos Norte naman ay kinilala sina Roxy De Guzman, barangay kagawad ng Cabaroan, Piddig at Alejandro Lenin, barangay kagawad ng Poblacion, Nueva Era na dawit din sa illegal na droga. PNA, A.PASION at H.AUSTRIA / ABN
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024