963 nagtatanim ng sibuyas sa Pangasinan, tatanggap ng fertilizer at pera

BAYAMBANG, PANGASINAN – Makakatanggap ang halos 963 na nagtatanim ng sibuyas sa bayang ito, na ang mga taniman ay sinira ng armyworms, ng dalawang bags ng fertilizer bawat ektarya mula sa provincial government ng Pangasinan at cash grant mula sa municipal government.
Sinabi ni Municipal Agriculturist Artemio Buezon sa isang panayam, na ang kabuuang 1,828 bags ng fertilizer ay ibinigay sa kanilang opisina upang ipamahagi sa susunod na linggo sa mga apektadong nagtatanim ng sibuyas.
Ayon naman kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) head Genevieve Benebe na ang kabuuang P5.5 milyong inisyal na cash grant ay ipapamahagi sa mga magsasaka sa Hunyo matapos nilang magsumite ng mga hinihinging requirement ng municipal government.
Noong Marso 12, 2018, ang bayan ay nalagay sa state of calamity dahil sa armyworm infestation na puminsala sa 868.56 ektarya na taniman ng sibuyas sa 39 barangays, na nagresulta ng halos P5 milyong pagkalugi ng mga magsasaka.
Sinabi ni Benebe na idaragdag ng MDRRMO sa kanilang plano sa susunod na taon ang mitigation ng crop infestations.
“Our office, being an advocate of climate change, we will also include agricultural calamity. Although this is not common as a calamity, its effect to the people is also devastating,” aniya.
Idinagdag pa niya na ang kaniyang opisina ay magsasagawa ng information dissemination at pananaliksik upang matulungan ang mga magsasaka sa pagsugpo ng pest infestation.
Samantala, sinabi ni Buezon na mapipigilan ng mga magsasaka ang infestation kung minomonitor nila ang kanilang pananim araw-araw. Nananatili siyang positibo na ang susunod na cropping season ay magiging masagana basta ang lugar ng sakahan ay may sapat na irigasyon ng tubig.
Ang mga magsasaka ay magtatanim ng hybrid rice habang ang iba ay magpo-produce ng iba’t ibang gulay ngayong cropping season, aniya.
Mahigit 2,000 na magsasaka kabilang ang mga nagtatanim ng sibuyas sa bayang ito ang nakatanggap ng tatlo hanggang limang bag ng hybrid rice seeds mula sa Department of Agriculture, ani Buezon.
“If they (farmers) will follow correctly the packaging technology of the hybrid rice, they can yield four to five tons of rice per hectare,” dagdag niya. H.AUSTRIA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon