Ang batas ay batas, dapat ipatupad ng buong katapatan at katatagan

Editorial

Noong nakaraang taon ay ipinagpaliban ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang demolisyon ng walong konstruksiyon sa Busol Watershed kahit pa may pangako ang mga informal settlers na bantayan at protektahan ang reservation sa mas lalo pang panghihimasok habang nagkasundo ang mayor at mga okupante ng watershed na nasa 150 sa isang pangmatagalang solusyon sa di-pagkakasundo.

Matatag ang posisyon ng lungsod na protektahan ang natitirang hindi pa naookupahan na bahagi ng watershed na nasa 60 porsiyento na lamang ng buong parte ng Baguio sa reservation kahati ang bayan ng La Trinidad.

Ang Busol ay ang pinakamalaking pinagkukunan ng malinis at maiinom na tubig na pinagtatalunan sa ilang mga kaso sa korte sangkot ang mga informal settlers at ancestral land claimants. Noong Pebrero 4, 2009 ay sinang-ayunan na may pangwakas na pagpapasiya ng Korte Suprema ang tangka ng pamahalaang lungsod na i-demolish ang ilang istruktura na saklaw ng Demolition Order No. 33 series of 2005 ni dating Mayor Braulio Yaranon.

Sinangayunan ng Kataas-taasang Hukuman ang pangangatuwiran ng pamahalaang lungsod na ang Lungsod ng Baguio ay pinamamahalaan ng karta (charter) nito “kaya, (lot occupants) ay hindi maaaring angkinin ang umano’y mga ancestral land nila sa ilalim ng mga probisyon ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA).” Hanggang sa ngayon ay may iba pang mga kaso na nakabinbin sa ilang mga korte.

Nakahanda na rin ang lungsod na itaguyod ang reversion procedures sa Office of the Solicitor General upang mabawi ang 7.8 ektarya sa loob ng Busol watershed na hinati-hati sa 22 lote at iligal na napatituluhan ng mga walang konsiyensiyang mga tao noong 2015.

Dahil sa patuloy na konstruksiyon ng mga konkretong istruktura sa nasabing watershed at tila hindi nasunod ang mga napag-usapan ay muling pinaigting ng local na gobyerno ang kampanya sa anti-squatting sap ag-demolish ng mga istruktura sa Busol watershed at ilang lugar sa Irisan at katulad na mga istruktura na nanghimasok sa raod-right-of-way ng ilang kalye ngayong taon.

Hindi daw mag-aatubili ang pamahalaang lungsod na ipagpatuloy ang demolisyon ng mga iligal na istruktura sa loob ng pangunahing watershed upang magbigay babala sa mga taong nagtatangkang magpatayo ng mga istruktura sa mga ipinagbabawal na lugar.

Samantala ay siniguro ng DENR sa publiko na hindi kukunsintihin ng kagawaran ang iligal na pag-okupa ng mga lupang nasa protected areas. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-okupa o pagtira sa alinmang public land na nasa loob ng isang protected area na walng clearance sa kinauukulang Protected Area Management Board (PAMB) sa ilalim ng Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS)Act of 2018.

Ipinagbabwal din ng batas ang konstruksiyon at pagpapanatili ng anumang istruktura, bakod na walang clearance mula sa PAMB ar permit mula sa DENR. Ang mga lalabag sa batas ng ENIPAS ay mahaharap sa multang mula PhP200,000 hanggang PhP1 milyon o pagkabilanggo mula isang taon ngunit hindi lalagpas sa anim na taon, o pareho.

Ang mga protected areas gaya ng Busol watershed ay environmentally critical areas at pangunahing pinagkukunan ng biodiversity, nagpapanatili sa ecosystem at nagbibigay ng natural na proseso ng lupa. Ang pag-gambala (pagsira) sa naturang conservation area ay banta sa flora at fauna na makakaapekto sa pagkain at suplay ng tubig sa lungsod. Sa ngayon ay itinutulak ni DENR Secretary Roy Cimatu ang pagtatatag ng isang Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB) sa loob ng DENR.

Kailangan daw ng isang line bureau na tututok sa mahigpit na implementasyon ng mga batas sa kalikasan, mga polisiya, tuntunin at mga regulasyon, kung saan kasama ang mga ahensiya na nagpapatupad ng batas gaya ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Investigation, at mga taga-usig ng gobyerno. Makakatulong daw ang EPEB na punan ang puwang sa implementasyon ng environmental laws at matututukan ng DENR ang parehong environmental conservation at protection.

Napakatagal ng usapin at problema ng gobyerno ang mga illegal squatters at sa kabila ng sangkatutak na batas at mga ahensiya ng gobyerno na sumasakop ukol dito ay patuloy pa rin ang mala-kabuteng pag-usbong nga mga iligal na istruktura. Nanghihimasok sila kahit pa sa mga natukoy nang lugar na ipinagbabawal pasukin. Bakit nangyayari ito?

Bakit sa una pa lang na proseso ay nakakalusot na sila, nasaan ba ng problema? Sa mga nakaraang mga panahon ay hubad na katotohanan na ginagamit ang mga illegal settlers (iba ay professional squatters na nga) para sa sarling interes ng mga politiko, mga boto rin sila na kailangang pangakuhan at mga kakuntsabang opisyal ng mga opsina kapalit ang halaga para mapaboran ang mga ito.

Bawat umuupo ay nangangakong tutugunan ang problema sa mga squatters ngunit humangga lamang wala ang mga ito. Ang batas ay batas na dapat ipatupad, walang kinikilingan, walang interes at walang pinapaboran gaano man kasakit ito.