Ayuda sa COVID… Maraming Naguguluhan!

Tapos na noong Abril 30 ang napahabang implementasyon ng ECQ dahil sa Covid-19. Tapos na ba? Marami ang naguguluhan kung ano na nga ba ang susunod na tuntunin.

Bakit? Aba’y sabi ng ilan, sing-gulo daw ng chopsuey o ginusot na pansit ang bagong eksena na dapat sundin. Bakit? Kasi tuloy daw ang pag-iral ng ECQ o Enhanced Community Quarantine na may mabigat na tuntunin. Samantala, may GCQ o General Community Quarantine na medyo mas maluwag, ika ng ilan.

At sa puntong medyo maluwag, marami din ang nalilito sa mga pagbabago. Bakit? Kasi daw, hindi gaanong naipaliwanag ang pagkakaiba sa mga tuntunin sa ECQ at GCQ. Iisa lang daw ang malinaw: huwag lumabag at tiyak arestado ka. Sus ginoong walang habag! Para daw tayong nasa panahon ng Hapon.

Di mo pa raw nagagawa ang paglabag, igagawan ka na raw ng paglabag upang maaresto ka. Ganon ba? Ah, ewan! Basta sa ganang amin…ang utos ay dapat sundin. Sabi nga sa kasundaluhan: obey first before you die, este before you complain. Sa mas mababaw na pananalita: sumunod ka muna bago ka umangal. Ang kaso, sa lahi natin sa balat ng lupa, pards….parang di tayo Pinoy kung di tayo marunong umangal.

Tsk tsk…malas lang ng mga gumagawa ng batas kasi sandamukal mang mga batas ang ipinasa at pinaiiral…marami pa rin ang sumusuway. Bakit? Maaring di maintindihan ang ginawang batas, o baka di niya maintidihan ang naturang batas…o baka pati ang nagpapatupad nito ay mangmang din sa naturang batas na ipinapatupad. Sus, marya! Talagang magulo hane?

Sige, upakan pa natin, mga pards:

May extreme community quarantine. May lockdown. Meron ding total lockdown. Kapag tanungin mo ang isang residente kung ano nga ba ang lockdown….tutunganga lang ang ilan. Ang pagkakaalam ng iba…ang lockdown ay simpleng pagsasarado ng iyong daanan. Barado ka na.

May limitasyon o hangganan ang iyong mga hakbang. Sukat ang pagkilos mo kung saan limitado lang ang iyong asyenda sa loob ng iyong bahay. Hmmm…yan, medyo malinaw, pards. Nakaquarantine ka sa iyong sakup na teritoryo.

Hindi gaya ng Tsina na sumakop pa ng teritoryo ng iba. Na kahit katakot-takot na protesta pa ang gawin, wala lang. Hindi nila iniinda. Pero sa atin, sa kaunting hakbang lang na
lumabas ka sa iyong teritoryo na may lockdown, may palo at sipa ka na mula hari ng mga yantok, di ga? Aabutan ka ng garlos at pasa sa munting pagsuway lang na mahalata sa iyo.

Ang mahirap kung ang biktima ng sita ay menor de edad at walang kalaban-laban. Pano naman kung naka-droga diumano ang pasaway? Tsk tsk..buti na lang sabi ng ilan, hindi nabubuhat ang tangke de giyera, eh. Baka ihampas ito sa mga pasaway. Mga kaktwang eksena lamang po ito, mga pards.

Ang masakit ay yong dahil sa takot kay Covid ay katumbas ng kamatayan ng mga nagpapasaklolo. Tingnan na lang natin ang nangyari kamakailan sa isang ginang na hindi tinanggap sa mga pagamutan (dahil siguro sa takot sa Covid)…anong nangyari? Patay ito. Iniimbestigahan na. Mariakusina…kahit pa isang toneladang imbestigasyon ang agawin, umbag ng iba….maibabalik mo pa ba ang buhay ng kawawang ginang?

May mga kauri pang kaganapan na kinakitaan ng pagmamalabis. May kinasuhan, may sinabon, may sinibak pero andun na ang nagawang pagkakamali. Tsk tsk…yan si Pinoy. Talagang kahit napakadalubhasa kang iskultor, mahirap mong ililok.

Kahit pa mas magaling ka pa kay Amorsolo sa pagpinta…mahihirapan kang ipinta ang buod ni Pinoy. Only in the Philippines. Ubos na espasyo, pards…next trip na lang tayo baka makasuhan pa tayo ng illegal distancing. Adios mi amor, ciao, mabalos!

 

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon