Bangko at FB, gamit ng mga dayong pusher sa drug trade – BCPO

Ibinunyag ng Baguio City Police Office (BCPO) na ang mga nagbebenta ng mga illegal na droga sa lungsod na nagmumula sa iba’t ibang lugar ay ginagamit ang bank-to-bank transactions sa pagkuha ng mga bayad.
Ayon kay BCPO Director Senior Supt. Ramil Saculles na ang city police ay nakipag-ugnayan na sa Anti-Money Laundering Council (AMLaC) para sa masusing pagsiyasat sa mga bank transactions ng dalawang tao na naaresto kamakailan sa magkahiwalay na insidente sa pagbebenta ng mga illegal na droga sa lungsod.
Sinabi ni Saculles na nakipag-ugnayan na siya sa AMLaC upang malaman kung paano i-trace ang mga transaksiyon. Aniya, nakuha na nila ang account number, pangalan, subalit hindi nila alam kung nagbebenta sila dito. Nagkataon lamang na dito sila naaresto, dagdag ni Saculles.
Aniya, isa sa dalawang tao na naaresto sa pagbebenta ng mga illegal na droga ay mula sa lalawigan ng Iloilo, samantalang ang isa ay mula sa lalawigan ng Laguna.
“The one from Iloilo has no city address. He came from other provinces, checked in at Eurotel. Medyo mahal, P1,800 ata per night, so he transferred and found Harrison Inn, which is P500 per day,” ani Saculles.
Ang isa na mula sa Iloilo ay nakikipagtransaksiyon sa pamamagitan ng Facebook, habang ang isa na mula sa Laguna ay may kasama mula Zamboanga, aniya.
Sinabi pa ni Saculles na limang araw na umuupa ng kuwarto ang suspek at palipat-lipat ng ibang hotel. Nakikipagtransaksiyon diumano sa pamamagitan ng bangko at nagpupunta lamang sa lowlands upang kunin ang illegal na droga.
Dahil ang dalawa ay wala sa listahan ng drug personalities sa lungsod, ang mga otoridad at kahit pa mga opisyal ng barangay ay walang alam sa kanilang mga pagbebenta sa lungsod.
“Haan nga madetect piman ti barangay ta adda lang hotel isuna. Aglaku diay ruwar ngem umuneg ti hotel ti rabii,” paliwanag ni Saculles.
Sa panayam kay Mayor Mauricio Domogan, sinabi nito na ang mga concerned government agencies at lahat ng stakeholders ay kailangang makipag-ugnayan upang maalis ang mga drug pushers sa lungsod.
“Lumalaing da dagitoy da involved ti kakasta,” aniya, at hinihikayat ang mga residente na maging mapanuri at magkaisa na walang drug pusher ang makapagtayo ng base sa lungsod, at mambiktima ng mas maraming tao.
Pinuri ng city government ang apat na barangays sa lungsod sa pagpapanatili ng kanilang drug-free status simula pa noong 2016.
“It should be an inspiration to the other barangays to work for their areas to become drug free,” aniya.
Ipinakita sa huling tala ng lungsod ang pagtaas ng bilang ng mga drug-affected barangays sa lungsod mula sa anim hanggang 24 sa may karagdagang 18, kung saan may naiulat na pagkakaroon ng mga illegal drug at drug personalities. L.AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon