Barangay sa La Trinidad nasa extreme ECQ

LA TRINIDAD, Benguet – Iniutos ni Mayor Romeo Salda ang isang masusing contact tracing at disinfection sa pagkakalagay sa isang barangay sa ilalim ng extreme enhanced community quarantine (EECQ) kasunod ng naiulat na isang bagong positibong kaso ng COVID-19.
Kinumpirma noong Lunes, Abril 20 ng Department of Health-Cordillera na ang pinakabagong kaso ng COVID19 positive sa rehiyon ay isang 22 taong gulang na babaeng nurse mula sa Barangay Tawang ng bayang ito at nagtratrabaho sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC). Siya ang ika25 COVID-19 positive patient sa rehiyon.
Agad na nag-isyu si Salda ng Executive Order No. 23 na naglalagay sa Lower Boted sa Barangay Tawang sa ilalim ng EECQ mula Abril 21, 2020 hanggang sa susunod na abiso. Ito ay upang masiguro na ang COVID-19 virus ay hindi kakalat sa komunidad habang nagsasagawa ang LGU ng kinakailangang mga hakbang.
Sa panahon ng EECQ ay hindi pinapayagan ang mga residente na lumabas ng kanilang tahanan kahit sa pagkuha ng mahahalagang produkto. Hindi rin pinapayagan ang mga sari-sari stores na nasa lugar at mag-operate.
Mamamahagi ang municipal government sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office ng relief packs sa mga apektadong residente sa panahon ng EECQ.
Sa pagsasagawa ng contact tracing ng medical personnel ay natunton nila ang nasa 50 katao na nakasalamuha ng pasyente sa nakalipas na mga araw kabilang ang mga miyembro ng pamilya, kamag-anak, kaibigan at katrabaho. Hiniling sa kanila na sumailalim sa home quarantine.
Iniutos din ng mayor na magsagawa ng sanitation at disinfection sa sitio Boted kasama ang mga kalapit na lugar.
Sa Baguio City ay sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na mga wastong pamamaraan ay isinagawa ng mga otoridad upang maisagawa ang contact tracing, quarantine at medical interventions upang maiwasan ang transmisyon.
Ang pasyente ay ang ikalawang nurse mula BGHMC na nahawa ng COVID-19. Ang una ay isang 33 taong gulang na lalake mula Camp 7 sa Baguio City. Ang dalawa ay nasa stable ng kondisyon.
RMC-PIA-CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon