Bawal ba talaga ang Paputok?

Tuwing Christmas season…lagi na lang laman ng usapan ng mga umpok saan mang sulok ng ating bansa ang paulit ulit na tema: bawal nga ba ang paputok? Sa likud ng mga salasalabat na mga pa-ek-ek at paeksena ng mga nangangampanya laban sa paputok tuwing Pasko at Bagong Taon….parang wala ring saysay dahil sa may mga biktima pa rin ng paputok. Yan nga ang ating kakaliskisan mga pards:

******
Unang tanong: bakit kaya mahilig ang ating mga kababayan sa paputok tuwing Pasko at Bagong Taon? Ano ba talaga ang dahilan ng hilig na ito? Dahil kaya sa ingay? Dahil kaya sa ginagawa naman ito ng marami? Dahil kaya sa gustong magpasiklab na hindi siya takot sa paputok? Dahil kaya sa gustong magpasikat na magilas siyang humawak ng paputok?

O dahil kaya sa gusto niyang ipakitang marami siyang perang susunugin lang sa paputok? Hindi kaya ang isang sanhi kung bakit mahilig tayo sa paputok ay gusto nating subukan ang ating tatag kung pagsabog ang usapan? In short…gusto nating ipakita sa madla (lalo kung marami ang nanunood) na tayo’y matapang sa putukan! Sa maikling salita…marami ang gustong magmayabang…hindi sa nilalahat.

******
Ikalawang tanong: anong mga reaksiyon kapag may naputukan? Pinapagalitan ng magulang ang anak lalo kung naputukan sa mukha o natanggalan ng daliri. Ang seste, may mga magulang na sila pa ang nagtuturo sa anak kung papano magpapaputok ng rebentador o gumamit ng mga delikadong paputok? Kung minsan, sinisisi pa ang katigasan ng ulo ng biktima.

Ang seste…hindi naman binabantayan ang biktima habang nagpapaputok. Meron pa ngang mga nakakatanda ang nagpapakitang gilas sa mga nakakabata at kaya nilang hawakan ang paputok kahit may sindi na. Kapag pumutok at naputol ang daliri o braso saka maninisi na siya’y pinabayaan….na siya’y sinadyang pinaputukan. Dito nasasabi ang aral na – laging nasa huli ang pagsisisi na kaakibat ang mensaheng – “huli man daw kahit magaling….huli pa rin”.
******

Ikatlong tanong: may ginagawa ang pamahalaan kontra paputok? Noong Dec. 2017 may ipinalabas si Pangulong Rodrigo Duterte na isang Executive Order 28 na nagbabawal sa paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Ang saklaw ng EO 28 ay mga malalakas na paputok gaya ng Sinturon ni Judas, Sawa, Superlolo, Bawang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at Bin Laden. Hindi yata kasama ang Piccolo. Sabi ng mga analysts: sa nakalipas na mga taon, pinakamarami ang naitalang pagkaputol ng daliri lalo na sa mga bata ay sanhi ng Piccolo.

Mabilis pa etong mabili sa mga tindahan dahil hindi naman daw kasama sa bawal na paputok. So, ibig sabihin na wala ring ngipin pala ang EO 28?

******
Kahit bawal, patuloy pa rin ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Sabi nga ng Philippine National Police (PNP) hindi naman daw ito bawal basta susunod sa Republic Act No. 7183 o ang “Fireworks Law”.

Sabi pa nga sa isang ulat na puwede rin daw bumili ng paputok sa online. Tsk tsk…aba’y hindi na nga maiiwasan na marami ang madidisgrasya. Patuloy na may mga masasabugan sa mukha, mapuputulan ng daliri, mawawasak ang kamao pati braso at marami pa ang mabubulag dahil sa paputok.

Hindi rin daw natutupad ang nais ng DOH na “zero casualty” dahil sa dami pa rin ng mga napuputukan lalo na sa tuwing Bagong Taon. Kaya ang tanong: kaya ba talagang ipagbawal na ang paggamit ng paputok? Kaya nga may mga kaakibat na sunog sa ganitong Christmas season dahil sa paputok. Ang masakit kahit nariyan pa ang EO 28…baka pinagtatawanan lang ng mga pasaway na mga negosyante.

Kaya dapat lagyan ng ngipin ang EO 28 at ipatupad nang mahigpit. Happy New Year mga Kabayan. Adios mi amor, ciao, mabalos.

KABOMMMMM...!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon