BOAT RIDERS OBLIGADO NANG MAGSUOT NG LIFE VESTS SA BURNHAM PARK

Photo Caption: Ang mga tauhan ng Tourist Police Unit na lulan ng kanilang police boat ay nagsasagawa noon ng inspection sa Burnham Lake para bantayan ang mga namamangka. Anumang araw ngayon ay ipapatupad na ng city government ang pagsusuot ng life vests ang boat riders para sa kanilang seguridad sa loob ng lawa.

File Photo by Zaldy Comanda/ABN


 

BAGUIO CITY

Aprubado ng Sangguniang Panglungsod sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansa na nagaatas sa mga sasakay ng bangka sa Burnham Park Lake na magsuot ng life vests. Ang mga hindi sumusunod na may-ari ng bangka ay pagmumultahin ng P1,000.00 para sa unang pagkakasala, P1,500.00 at pagimpound ang kanilang sasakyang pantubig hanggang sa mabayaran ang parusa para sa ikalawang pagkakasala, at P2,500.00 at bawiin ang kanilang mga lisensya para sa ikatlong paglabag.

Ang mga hindi sumusunod na water operator ay pagmumultahin ng P1,000.00 para sa unang pagkakasala, P1,500.00 para sa ikalawang paglabag, at P2,500.00 at pagbabawalan sa pagpapatakbo ng sasakyang pantubig para sa ikatlong paglabag. Ang serbisyong pangkomunidad ay maaari ding ibigay bilang kapalit ng multa na itinuturing na angkop at naaangkop. Ayon kay City Counsilor Isabelo Cosalan Jr., pangunahing may-akda ng ordinansa, ang pagsusuot ng life vests ay kinakailangan, upang malabanan ang mga aksidente at iba pang hindi planadong pangyayari na
maaaring magbanta sa buhay ng isang pasahero.

“Ang wastong pagsusuot ng life vests ay inilaan upang mapangalagaan ang buhay ng mga pasahero sakaling magkaroon ng aksidente. Ito ang pinakasimpleng diskarte sa pagsave ng buhay para sa recreational boating, paddling, o towed water sports,” sabi ni Cosalan. Sa ilalim ng ordinansa, ang
may-ari o tagapamahala ng mga bangka ay may pananagutan sa pagbibigay ng mga life vests para
sa lahat ng mga pasahero at dapat tiyakin na mayroong sapat na bilang ng mga life vests para sa bawat sakay. Dapat din tiyakin ng operator na ang mga life vests ay magkasya nang maayos at nasa mabuting kondisyon.

Ang Public Order Safety Division sa ilalim ng City Mayor’s Office ay dapat magpatupad ng ordinansa at dapat bigyan ng awtorisasyon na hulihin ang mga lumalabag. Ang ordinansa ay ipinadala na sa Office of the City Mayor para sa paglagda at maipatupad sa lalong-madaling panahon ang ordinansa.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon