BuCor Chief, pinuri ang suporta ng Pangasinan sa war on drugs

LINGAYEN, PANGASINAN – Pinuri ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y Bureau of Corrections (BuCor) Director General Ronald “Bato” M. dela Rosa ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan dahil sa matibay na suporta sa war on illegal drugs.
“Alam ko na ang Pangasinan ay maganda ang records sa war on drugs,” ani Dela Rosa habang inihahayag niya ang mataas na pag-asang mananalo sa laban kontral illegal drug sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa na ang kaniyang passion sa pagsupo sa illegal drugs sa bansa ay nananatiling matatag bilang BuCor chief simula noong Mayo ngayong taon.
Aniya, hindi maipapanalo ni Pangulong Duterte ang laban nang nag-iisa, kaya hinikayat niya ang mga Pangasinense at mga pulis upang higit pang panatilihin ang mga programa ng PNP upang harapin ang pambansang panganib.
Sa pagdating ni Dela Rosa gamit ang bigbike motorcycle sa Capitol Plaza, tinanggap siya nina Governor Amado I. Espino III, Vice Governor Jose Ferdinand Z. Calimlim Jr., Sangguniang Panlalawigan members Jeremy Agerico Rosario, Generoso Tulagan Jr., Raul Sison, Noel Bince, at department heads sa pangunguna ni Provincial Administrator Nimrod S. Camba.
Nanguna si Pangasinan Provincial Police Office (PPO) Acting Provincial Director PSSupt. Wilson Joseph F. Lopez, na siyang nag-escort kay dela Rosa mula Urdaneta City hanggang Capitol Plaza, sa mga police officers ng probinsya na sumalubong din kay dela Rosa.
Matapos ang maikling programa, nag-courtesy call si dela Rosa sa opisina ng gobernador.
Noong nakaraang taon, kinilala ni dela Rosa ang aktibong suporta ng administrasyon ni Espino sa kampanya ng PNP kontral illegal drugs sa pamamagitan ng citation na iginawad kay Governor Espino sa ginanap na 115th Police Service Anniversary celebration sa Camp Florendo sa San Fernando City, La Union noong Setyembre 2.
Maaalalang kinilala rin si Espino sa kaniyang mahalaga at patuloy na suporta sa Anti-Illegal Drugs Campaign Plan (Project Double Barrel) ng PNP na humantong sa maraming mahahalagang accomplishments kontra illegal drugs sa probinsya ng Pangasinan. SMC.DE GUZMAN, Pangasinan PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon