CORDILLERA COPS NAKATIKLO NG 48 WANTED PERSON

CAMP DANGWA, Benguet

Arestado ang apatnapu’t walong indibidwal, kabilang ang walong nangungunang most wanted person sa magkasabay na manhunt operations sa buong rehiyon na isinagawa ng Police Regional Office-Cordillera mula sa Mayo 14 hanggang 20. Batay sa tala ng PROCORRegional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), ang Baguio City Police Office ang may pinakamaraming nadakip na 15 wanted person, na sinundan ng Benguet Police Provincial Office na may 13 naaresto; Abra PPO na may siyam na arestado; Ifugao PPO na may anim na arestado; Kalinga PPO at Mountain Province PPO na may tig-dalawang arestado at Apayao PPO na may isang
arestado.

Sa mga naarestong personalidad, walong indibidwal ang naitala bilang Most Wanted Persons (MWP); kung saan apat ay nakalista sa Provincial Level at apat sa City level. Sinabi ni Brig.Gen.David Peredo,Jr.,regional director, bilang resulta ng pinaigting na presensya ng mga pulis, 51 munisipalidad sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon at isang police station sa Baguio City ay nananatiling mapayapa, dahil ang PROCOR ay nagtala ng zero crime incident sa panahon ng parehong linggo.

Zero crime incidents ang naitala sa 21 sa 27 munisipalidad sa Abra; lima sa anim na munisipalidad sa Apayao; apat sa 13 munisipalidad sa Benguet; anim sa pitong munisipalidad sa Kalinga; pito sa labingisang munisipalidad sa Ifugao at walo sa sampung munisipalidad sa Mountain Province.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon