Dinengdeng Festival, muling binuksan sa publiko

AGOO, La Union – Kaalinsabay sa pagdiriwang ng “Araw ng Paggawa” o Labor Day noong Mayo 1 ang selebrasyon ng ika-15 na “Dinengdeng Festival” sa bayang ito ng La Union na binuksang muli sa publiko.
Kabilang sa mga nakalatag na programa na kanilang pinaghandaan ay ang Mass Wedding na ginanap sa umaga sa Eriguel Covered Court at ang Grand Civic Parade na ginanap naman sa Denny’s Park, DMMMSU-SLUC sa hapon.
Layon ng Dinengdeng Festival ang pagpapalaganap ng lokal na turismo sa nasabing lugar. Sa mga nagdaang taon, namalas ng bawat mamamayan na ang ipinagdiriwang ng kanilang bayan ay ang “Tabako Festival”, ngunit kalaunan ay napalitan ito ng Dinengdeng Festival marahil na rin sa mga gulay na sari-saring makikita at sagana sa Agoo.
Ngayon ay kilala na sa buong bansa ang pagdiriwang na ito. Ang “Dinengdeng” ay kabilang sa mga ulam sa Pilipinas na patok na patok sa mga Ilokano.
Natutulad ito sa ulam na “pinakbet” o “inabraw”, ngunit naiiba pa rin ng bahagya ang dinengdeng dahil sa iba’t ibang gulay na sangkap nito.
Ang pagdiriwang ng Dinengdeng Festival ay nagtapos sa Search and Coronation of Miss Agoo 2019 na ginanap sa DMMMSUSLUC Grandstand noong Mayo 4, 2019 na pinangunahan ng guest performer na si Bryan Termulo at ang mga kilalang Kapuso artist na sina Alex Gozaga at Ken Chan na nagsilbing mga host sa programa.
 
Gabrielle Dominique F. Daludado, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon