DOH, health partners naghahanda sa lubos na implementasyon ng UHC law

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa pagka-apruba ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act 11223 o ang Universal Health Care ay nanawagan ang Department of Health-Center for Health and Development Cordillera (DOH-CAR) sa mga regional health partners at local stakeholders na umpisahan ang kinakailangang groundwork para sa lubos na implementasyon nito.
Ito ang panawagan ni Dr. Amelita Pangilinan, DOH-CAR OIC Regional Director sa 3rd quarter meeting ng Regional Implementation and Coordination Team (RICT) dito na dunaluhan ng mga kinatawan ng DOH partner agencies, provincial DOH at government – run hospitals/health facilities, provincial/municipal/city health officers at iba pang local health stakeholders.
Binalangkas ni Dr. Hydee Salao, DOH-CAR Medical Officer III na ang UHC law ay may pangunahing layunin na siguruhin na lahat ng Pilipino ay makakakuha ng de-kalidad at abot-kayang mga serbisyong pangkalusugan, gamot, mga kagamitan at iba pang pangangailangang medical na kailangan nila na hindi nahihirapan sa pinansiyal.
Upang matamo ang layunin, mandato ng batas na itatapat ang bawat pamilyang Pilipino sa isang Primary Care Team (PCT) na sisiguruhing makukuha nila ang nararapat na mga serbisyo sa nararapat n pasilidad, ibig sabihin, lahat ng pasyente, sa pamamagitan ng maigting service delivery network ay masisiguro ang lubos na pangangalaga sa kalusugan na ttumutugon sa kanilang pangangailangan.
Sa pamamagitan ng PCT kung saan sila ay nakarehistro, gagawin nila ang tumutugon na serbisyo sa kalusugan na kailangan nila maging sa barangay health stations o sa nararapat na mas mataas na health facilities depende sa kailangan nilang medikal.
Bagama’t sinisiguro ng UHC na ang lahat ng pangunahing pangangailangan sa kalusugan ay libre, layon din ng batas na siguruhin na ang mga bayarin ng bawat Pilipino ay matatantiya, ayon kay Salao.
Sinabi ni Pangilinan na patuloy ang departamento ng kalusugan na mapahusay ang mga programa sa pasilidad ng kalusugan at gayundin mamuhunan sa human resource para sa kalusugan, kaya nananawagan din siya sa bawat local government units na suportahan ang lubos na implementasyon ng UHC law at kanilang pangako na siguruhin ang isang malusog na Cordillera.
Sa isang pagpupulong ay nagbigay ng updates ang Benguet Provincial at Baguio City health offices sa estado ng health system organizations sa kani-kanilang area of responsibility dahil kasama sila sa 33 primary implemention area ng UHC.
Inulit din niPangilinan ang panawagan ng DOH sa local health stakeholders na palakasin ang kampanya ng adbokasya sa vaccine preventable diseases dahil sa pagtaas ng mga kaso ng tigdas at ang muling paglutang ng polio virus gayundin sa whole-community approach laban sa Dengue na nananatiling isang alalahanin sa kalusugan sa buong bansa.
 
CCD-PIA CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon