DOH, NAG-PAALALA SA BANTA NG HEAT STROKE NGAYONG EL NIÑO

BAGUIO City

Nagpaalala ang Department of Health- Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) sa publiko sa banta ng heat stroke na dala ng El Niño sa kasalukuyan. Sa ginanap na Kapihan sa Cordillera – Media Health Forum,noong Marso
6, ipinahayag na ang simpleng dehydration ay maaaring lumala sa heat exhaustion at kung hindi maagapan ay maaring magsanhi ng heat stroke. Ilan sa mga sintomas ng heat stroke ay pagtaas ng temperatura ng katawan na lalagpas sa 40 degrees, pamumula at panunuyo ng balat, pagkawala ng malay, pagkahilo, pananakit ng ulo at pagsusuka o pagduduwal.

Maari ding makaranas ng kombulsyon, pagkawala sa sarili at pangangalay o pamumulikat ng mga muscles. “So ito yung mga emergency na kailangan na silang itakbo sa hospital so that mabigyan ng immediate na response. Pwede rin naman na hindi sila itakbo as long as you keep their environment, yung surroundings nila, cold. Wag tayo mag-crowd around the patient para mas mag-circulate yung air, yung cold air,” pahayag ni Dra. Jennifer Joyce Pira, Medical Officer IV ng DOH-CAR. Payo din ni Dra. Pira, “Of course, to prevent this is to avoid drinking yung mga coffee or tea or yung mga beverages na nag-cause ng dehydration. Advisable na gumamit ng mga loose fitting clothes para mas comfortable dun sa tao. And then drink lots of water.”

Dagdag pa nito na bawasan ang paglabas upang hindi mabilad sa araw. Pinalalahanan din na mag-ingat ang kadalasang biktima ng heat stroke gaya ng mga bata, senior citizens, mga atleta at lalo na ang mga outdoor laborers. Sa bagong El Niño Advisory No. 9 na inilabas ng PAG-ASA, isinasaad nito na ang nagaganap na El Niño ay unti-unting humihina at inaasahan na magtatransisyon ito patungo sa neutral na kondisyon sa pagitan ng Abril at Hunyo ng taon.

By: Princess Stephanie N. Buraga/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon