Photo Caption: Si Harold Banario na dating MMA fighter na ngayon ay isang kilalang artist sa Cordillera region. Siya ay kilala sa kanyang mga likhang sining na nagpapakita ng kanyang pagmamahal sa kultura at tradisyon ng mga Igorot.
Courtesy Photo by Wife Ernica Dangwa/ABN
Sa kabundukan ng Cordillera, may isang pintor na nagmula sa katutubong lahi ng Igorot na nagbibigay-buhay sa kanyang kulturang ipinagmamalaki. Kilala siya bilang si Harold Banario, isang dating manlalaban sa Mixed Martial Arts (MMA), na ngayon ay kinikilalang “Igorot Pintor”Tubong Mankayan, ngunit kasalukuyang naninirahan sa La Trinidad, Benguet, na ang kanyang kwento ay isang inspirasyon sa mga naghahangad na sundan ang kanilang mga pangarap sa sining.
Natapos si Banario ang kursong Arkitekto sa University of the Cordilleras (UC), ngunit sa halip na ituloy ang propesyon na ito, naglakas-loob siyang sumabak sa mundo ng sining. Ang tema ng kanyang mga likha ay nagsasalaysay ng araw-araw na buhay ng mga Igorot, naglalaman ng mga eksena ng katutubong sayaw, mga katutubong damit, at buhay ng Igorot. Sa kanyang paglikha, ginagamit ni Banario ang simpleng kagamitan tulad
ng lapis, ballpen, at pintura, upang ipakita ang kanyang talento at pagmamahal sa kanyang kultura.
Ang kanyang kasaysayan sa sining ay nagsimula matapos ang kanyang unang pagkatalo sa isang laban sa MMA noong 2015. Dito niya inilabas ang kanyang pagkadismaya sa pamamagitan ng pagpipinta, na nagbukas ng bagong mundo ng pagkakataon para sa kanya. Sa pagbabahagi ng kanyang mga likha sa social media, unti-unting nakilala at nagustuhan ang kanyang mga obra. Sa mga panahong iyon, nagsimula siyang makakuha ng mga commission
mula sa mga pribadong establisyemento, hanggang tumungo sa isang punto na hindi lamang sa lokal kundi naibebenta naniya ang kaniyang obra maging sa ibang bansa tulad ng UK, Canada, USA, Dubai, Australia, France, at iba pa.
Ang kanyang mga gawa ay hindi lamang nagbibigay-karangalan sa kanya, kundi pati na rin sa kanyang lahi at kultura. Isa sa mga ipinagmamalaki ni Banario ay ang kanyang obra na pinamagatang “Allegory of Politics and Culture” na naipinta gamit ang acrylic sa sukat na 4×4 feet. Inspirasyon niya ang sikat na TV series na “Game of Thrones” Ibinenta niya ito sa halagang ₱80,000, nagpapakita ng halaga at giting ng kanyang talento. Isang katangi-tanging aspeto ng sining ni Banario ay ang kanyang kahusayan sa sketching. Sa loob lamang ng sampung minuto, kayang-kaya niyang likhain ang kahit anong imahe na bumabagay sa kanyang paningin.
Ito ay nagkakahalaga ng ₱3,000 hanggang ₱7,000, depende sa sukat at materyales na ginamit. Ang kanyang mga sketch ay hindi lamang simpleng guhit kundi may buhay at damdamin na naglalarawan ng kanyang talento at husay sa sining. Makikita ang iba pang mga likha ni Banario sa Mam-is Eatery sa Dangwa Square, KM6, La Trinidad, Benguet. Sa pamamagitan ng kanyang mga obra, patuloy niyang ipinapakita ang tradisyon at kultura ng mga Igorot. Sa kabila ng kanyang tagumpay bilang isang pintor, nananatili si Banario na tapat sa kanyang mga pinagmulan at kulturang pinag-ugatan.
Ang bawat obra niya ay hindi lamang nagpapahayag ng kanyang galing sa sining kundi pati na rin ng kanyang pagnanais na ipagpatuloy at ipagmalaki ang yaman ng kanyang lahi. Dahil sa kanyang pagtitiyaga at determinasyon, naging inspirasyon si Banario sa mga kabataan sa Cordillera na pangarapin din ang kanilang mga pangarap sa sining at kultura. Sa bawat likha niya, patuloy niyang ipinapakita na ang sining ay hindi lamang para sa mga nakapag-aral sa mga prestihiyosong paaralan kundi para sa sinuman na may pusong puno ng pagmamahal sa sining at kultura.
Sa hinaharap, inaasahan na patuloy na magbibigay-liwanag si Banario sa daigdig ng sining at patuloy na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kanyang lahi at kultura. Ang kanyang mga likha ay magiging daan upang patuloy na maisulong ang pagpapahalaga at pagpapakita ng yaman ng Cordillera hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
September 29, 2024
September 29, 2024
September 25, 2024
September 24, 2024
September 18, 2024