Earthquake drill sa Benguet, matagumpay – OCD

LA TRINIDAD, BENGUET – Isinagawa ang nationwide simultaneous earthquake drill sa Benguet National High School noong Huwebes, Hunyo 12, para sa mga paghahanda at mga dapat isaalang-alang kapag may lindol.
Nakibahagi at tumulong sa aktibidad ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Department of Education-Cordillera (DepEd-CAR) at Civil Service Commission (CSC) bilang pagsuporta sa aktibidad na isinasagawa sa buong bansa sa bawat tatlong buwan o quarterly kada taon sa pangunguna ng Office of the Civil Defense (OCD).
Ayon kay Frances Ivy Carasi, OCD-CAR information officer, naging natagumpay naman ang pagsasagawa ng earthquake drill sa Benguet bagaman mayroon pa ring mga bagay na kailangang pahusayin.
Matapos ang earthquake drill, ilan sa naitang kailangang matugunan ay ang kakulangan ng evacuation center at kawalan ng evacuation plan sa ilang bahagi at tanggapan sa probinsya, pagkakaroon ng harang sa mga dadaanan ng mga nag-evacuate, walang karatula na nagtuturo ng pupuntahan ng mga tao kung sakaling may malakas na lindol, at kakulangan sa medical kits.
Nagkaroon ng problema sa paghahanap ng open areas para sa mga evacuees dahil sa Cordillera ay tinatayang 90 porsyento ang mga insidente ng pagguho ng lupa.
Kaya, ayon kay Carasi, ito ang kanilang tututukan at unang hahanapan ng solusyon upang mapanatili at masigurado ang kaligtasan ng publiko kapag may sakuna na gaya ng lindol.
Nakiusap din ang mga namuno sa earthquake drill sa mga nakilahok na seryosohin ang paggawa sa aktibidad at ipinaalala ang malagim na pangyayari sa tinaguriang 1990 killer earthquake.
Hindi lamang sa Benguet at lungsod ng Baguio ang posibleng lumindol, kundi maging sa iba pang lugar sa Cordillera kaya dapat maging handa ang lahat para sa anumang hindi inaasahang kalamidad, patuloy na paalala ng OCD. FRIA PILORIN, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon