EUROPEAN SWORDSMANSHIP, TRADITIONAL ARCHERY, SUSUBUKAN SA BAGUIO

Kasaysayan at edukasyon, ito ang ilan sa mga isinusulong ng True Edge Historical European Martial Arts (HEMA) Guild, isang eskwelahan na nagtuturo ng historically accurate traditional European martial swordsmanship at traditional archery. Opisyal na nagsimula ang kanilang eskwelahan noong nakaraang taon at parte din ang True Edge HEMA Guild ang Baguio Tourism Council under the G7 Sector: Heritage, Culture, Arts & Media.

Layunin ng True Edge HEMA Guild na ipakilala ang kanilang sports, na tuturuan ng mga instructor ang kanilang mga estudyante ng tamang paggamit ng mga armas na ito mula sa pinaka-basic na
hakbang, hanggang mga teknikal at komplikadong mga teknik. Ayon kay Kerubin Francisco, isang archery at HEMA instructor, layunin ng kanilang eskwelahan na bigyan tyansa ang publiko na
maranasan ang ganitong klaseng sports.

Aminado si Francisco na magastos ang ganitong klaseng sports at halos eksklusibo lamang sa mga taong may kakayahan na maging libangan ito ng mga atleta. Layunin din nila na hikayatin ang mga interesado sa ganitong klaseng sports na sumubok nito sa kanilang eskwelahan. Ayon kay Francisco, mas mura ang bayad sa kanilang eskwelahan kumpara sa ibang eskwelahan na nag-aalok ng parehas na sports.

Hindi rin kailangan ng mga estudyante na bumili ng sarili nilang gears para makapagenroll, dahil meron naman silang ipa-pahiram sa kanilang mga estudyante. Ayon pa kay Francisco, ang nagpakilala ng sports na ito sa kanila ay ang kanila ding guro na si Quitin Tanesco. Natutunan umano ni Tanesco ang sports na ito mula sa Canada at gusto niya rin itong ipalaganap sa mga
interesadong publiko sa Baguio City.

Hiling naman ni Francisco sa publiko na subukan ang HEMA swordsmanship at traditional archery at bukas ang kanilang eskwelahan sa lahat ng gustong sumubok ng kanilang sports, enthusiast man o hindi. Sila ay pwedeng makontak sa kanilang facebook page at pwede rin silang makita tuwing
linggo sa may Lower Session Road sa kanilang pagganap sa lingguhang busking.

Paolo Felipe-UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon