Halos 400 child development workers, nagtipon sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Sa kabila ng patuloy na pag-ulan ay dumalo ang tinatayang 400 child development workers mula sa 13 munisipalidad ng Benguet para sa Child Development Workers Provincial Congress sa Ben Palispis Hall, Capitol, La Trinidad, Benguet noong Hunyo 13, 2018.
Nakatuon ang pagtitipon sa temang “Sa pagpapaunlad at pagbabago ng kabataan, CDW na may malasakit ang kailangan” na humihikayat sa pagkakaroon ng tamang katangian ng mga child development workers para sa mahusay na pagsasanay ng mga bata sa kanilang paglaki.
“Kailangang bigyang-pansin ang tamang paraan sa pagtuturo ng mga bata dahil isa ito sa mga batayan ng mga bata sa paglaki maliban sa kanilang cognitive skills,” pahayag ni Juana B. Bannawe, Provincial Social Welfare and Development officer.
Ayon kay Bannawe, alinsunod ito sa layunin ng Republic Act No.10410 o “Early Years Act of 2013” at pagpapatupad ng Early Childhood Care Development bukod sa pagsusuri na ginagawa ng kanilang ahensya sa mga day care center ng probinsya.
Kabilang sa tinalakay sa naturang pagtitipon ang pagsusuri at pagtugon sa mga problema o isyu na lumabas sa isinagawang provincial congress noong nakaraang taon. Isa rito ang pagkakaroon ng medical assistance kung saan ang mga child development workers ay binibigyan ng tulong kapag naospital ang mga ito.
Ang naturang pagtitipon ay bahagi ng Child Development Workers’ Week alinsunod sa Proclamation No. 404 series of 2003 na nagdeklara sa obserbasyon ng National Day Care Workers’ Week kada taon.
Ang mga development workers sa bawat munisipalidad ng Benguet ay may mga isinagawa ring sariling programa para sa pagdiriwang ng Child Development Workers’ Week. DEBORAH AQUINO, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon