High schools, pinarangalan sa short film fest ng BCPO

Sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Department of Education (DepEd) ay nagsagawa ang Baguio City Police Office ng isang short film contest sa laban kontra droga para sa mga high school students sa lungsod alinsunod sa kanilang peace and order education campaign.
Anim na paaralan ang nagsumite ng kanilang lahok na binusisi nina PDEA-CAR Director Edgar Afalla, DepEd Schools Superintendent Atty. Agustin Laban III, Soledad Belwaren ng NAPOLCOM at City Social Welfare and Development Officer Betty Fangasen.
Pinangunahan ng BCPO ang pagpaparangal sa mga kalahok ng Short Film Festival on illegal drugs na ginanap sa kanilang Multi-Purpose Hall noong Marso 8.
Pinamunuan nina acting city director Police Senior Superintendent Ramil L. Saculles, Police Chief Inspector Vic. B. Orcino, deputy regional director for operations PSSupt. Angelito A. Casimiro na nagsilbing panauhing pandangal at local legislative staff Nico Manalo na nagbigay ng mensahe para kay Councilor Peter C. Fianza.
“We conceptualized yung program para ma-feel namin yung point of view ng student at yung mga product ninyo, yun yung gagawin naming part of information operation namin,” ani Saculles sa mga estudyante.
Ang mga kalahok sa aktibidad ay nagmula sa iba’t ibang matataas na paaralan ng lungsod.
Nagwagi bilang first place ang lahok ng Bakakeng National High School na may pamagat na “Change” na may premyong P10,000 at nanalo ring best story na karagdagang P1,000 na premyo.
Ayon kay Denzel Ray Valencia, lider ng nasabing grupo, may mga karanasan na nakapagpapabago sa buhay ng tao, “death, a severe problem like problems with the family, problems with finances, and also friends and school. When these problems occur, you are forced to change yourself.”
Second prize naman ang Baguio City National High School na may pamagat na “Sa Dulo ng Pag-asa” na may premyong P7,000. Nanalo rin ang Guisad Valley National High School sa kanilang “Tulak ng Kanser” na nag-uwi ng P5,000 at kinuha rin ang special awards for best actor and actress, best picture at best editing.
Samantala ay special award of commendation naman ang ibinigay sa non-winning participants na Pinsao National High School, Irisan National High School at Baguio City National High School-Fort del Pilar Annex.
Ang aktibidad na ito ay nagsimula pa noong ika-15 ng Disyembre 2016.
Layunin ng aktibidad na ito ang mangampanya kontra sa ilegal na droga.
Ayon kay Saculles, tinitingnan nila ang posibilidad na tukuyin ang Commission on Higher Education sa pagpapalawig ng film festival project sa mas mataas na mga paaralan sa lungsod ng Baguio. May ulat si Melanie Z. Dela Cruz, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon