Ilocos Norte pahuhusayin ang healthcare assistance sa mga senior citizens

LUNGSOD NG LAOAG – Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ang tuloy-tuloy na pagpapaunlad sa healthcare system para sa mga senior citizen bilang isa sa mga pangunahing prayoridad na binanggit ni Governor Matthew Marcos Manotoc sa inauguration ceremony ng FedEration of Senior Citizens Association of the Philippines-Ilocos Norte Chapter (FSCAPIN) noong Hulyo 25 sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City.
Ayon sa batang governor, ang pinakamalaking bahagi ng provincial budget ay nakalaan para sa pagpapahusay ng healthcare services para matugunan ang mga pangangailangan ng mga matatanda.
Kabilang dito ang pagtatatag ng point-of-care centers sa bawat district hospitals sa probinsiya at pagkakaroon at kahandaan ng advanced medical facilities.
Bukod dito, isang “Sagip Seniors” backup 911 hotline ay pinaplano ring malikha upang masiguro ang kaligtasan ng mga matatanda at makamit ang zero casualty sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Sa kabilang banda, ang tuloy-tuloy na programang “Silpo ti Biag 707” o Lifeline 707 ay buhay pa rin na layong magbigay ng agarang respondeng medikal sa panahon ng emergencies.
Hinimok ni Manotoc ang mga miyembro ng FSCAP-IN na ipamahagi ang magandang balitang ito sa iba pang senior citizens na hindi nakadalo sa nasabing aktibidad.
“Pakisabi na lang po sa mga indigent senior citizens na may medical assistance po para sa kanila mula sa atin kasi sa tingin ko ‘yong iba hindi pa nila alam. The financial assistance is worth P3,000.00 for their medical maintenance,” ani Manotoc.
Maliban sa medical assistance ay maaari ding makakuha ang mga senior citizens ng burial assistance na nakasaad sa Provincial Ordinance No. 053-2018 at ang kamakailang re-institutionalization of Capitol Express na nagbibigay ng libreng medical, dental at iba pang serbisyo hanggang sa barangay.
“I hope na kahit tumatanda tayo we can remain involved in our community because I know there is much wisdom and experience that senior citizens possess,” paghinok ni Governor Manotoc sa mga senior citizens.
 
AMB/MJTAB/PIA 1-Ilocos Norte/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon