Imee: Obligadong face shield “overkill”

Sinabi ni Senadora Imee Marcos na hindi pa huli ang lahat para baguhin ang kautusan na mandatory o obligado nang magsuot ng face shields ang lahat ng commuter at mga empleyado bukod pa sa face masks simula sa Sabado.
“Pwedeng localized o voluntary, pero pag mandatory ay overkill na yan. May iba pa bang bansa na nagrerekomenda sa sabay na paggamit ng face shield at face mask maliban sa loob ng mga ospital?” dagdag ni Marcos.
Ayon kay Marcos, dapat isa-publiko ng gobyerno kung sino ang mga importer at lokal na suplayer ng mga face shields at tukuyin ang posibleng koneksyon sa mga opisyal mula sa mga departamento ng kalusugan, transportasyon, labor, at trade and industry na maaring kumita sa pagbenta ng produkto. “Biglang nagkaroon ngayon ng SRPs (suggested retail prices) para sa face shields, pero walang pormal na guidelines sa publiko para sa tamang kalidad at uri ng produkto para ma-protektahan ang mga konsyumer. Ilang beses ba yan puwede gamitin minsanan o puwede ulitin, paano lilinisin, ligtas ba yan gamitin at hindi madali masunog ang materyales, ano ang mga pag-iingat na dapat gawin ng mga gagamit?” tanong ni Marcos.
Mismong U.S. Centers for Disease Control and Prevention ang nagbabala na ang pagsusuot lang ng face mask mismo “maaaring magpalala sa pisikal o mental na kondisyong pangkalusugan, maaring magbunsod ng medical emergency, o magkaroon ng panibagong problemang pangkalusugan.”
“Bukod sa hindi kumportable, hindi ba masu-suffocate ang mga may highblood pressure, sakit sa puso o asthma pag may face shield at mask? Gaano kahabang oras titiisin ng mga manggagawa sa opisina at pabrika ang pagsusuot nito na pahirap pa sa paghinga?” tanong ni Marcos.

Amianan Balita Ngayon