Isa pang COVID-19 Positive naitala sa Benguet

ITOGON, BENGUET – Naitala ng probinsiya ng Benguet ang ikalawang pasyente ng COVID-19 nito noong Lunes matapos alisin ang lockdown sa barangay Ucab, ang barangay ni National Bilibid Prisons (NBP) jail officer Clifton Bacayan, 40, na kung saan nagpositibo sa COVID-19 ang swab test nito noong Biyernes.
Sinabi ni Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan na ang pasyenteng mula sa Labilab, Loacan, Itogon ay nagpositibo noong Lunes kaya agad nitong iniutos ang
lockdown sa mga sitio ng Sabkil, Tocmo, Labilab at Bakong, lahat sa barangay Loacan.
Isang maigting na contact tracing ang inilunsad ng Itogon municipal health office. Una dito noong umaga ng Lunes ay inalis ni Mayor Palangdan ang lockdown sa barangay Ucab dahil sa ulat ng Itogon health office na lahat ng 18 nakasalamuha ng jail officer ay nagnegatibo sa sakit.
Ito habang ang “COVID- 19-free status” ng probinsya ng Benguet ay di-nagtagal sa positibong resulta kay Bacayan na gaya ng ikalawang pasyente noong Lunes ay kapuwa naka-confine sa Benguet General Hospital (BeGH).
Sinasabing ang jail officer ay naunang nagnegatibo sa rapid testing bago magtungo sa bayan ng Itogon noong nakaraang Martes (Mayo 26) kasama ang 7 pang jail officers mula NBP upang dalhin ang isang bangkay sa Itogon town hall.
Naunang sinabi ni Palangdan noong Sabado na 5 sa kasama ni Bacayan sa NBP ay dinala sa Itogon quarantine area sa sub-barangay office ng barangay Ucab sa barangay Loacan habang ang ibang jail officer ay nagtungo sa probinsiya ng Ifugao.
Inihayag ng mayor na sinabihan nila ang Ifugao na magsagawa ng mga hakbang ukol sa jail officer na pumunta doon.
Nitong nakaraang linggo lamang ay isang ama at kaniyang anak na na-admit noong Abril ay pinalabas na sa ospital na naglagay sa probinsiya ng Benguet sa COVID-19-free sa loob ng dalawang araw hanggang dumating ang malungkot na balita noong Biyernes.
AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon