Itogon nakahanda na para sa tag-ulan

ITOGON, Benguet – Nakahanda na ang local na gobyerno ng Itogon ngayong panahon ng tag-ulan ayon kay Office of the Mayor executive assistant II, Jose A. Yamoto, Jr.
“Nakapagpurchase en ti munispyo ti food supplies para kadagiti isolated areas, ada met ti equipment nga nakaprepare, ken per barangay ket ereactivate para ti operations,”
(The municipality has already purchased food supplies for those in the isolated areas, equipment is ready, and every barangay is prepared for reactivation) sabi ni Yamoto.
Dagdag pa niya na ayon sa mayor ay magkakaroon ng forced evacuation lalo na sa mga lugar na madalas nababaha at huwag hintayin ng mga tao na lumakas pa ang ulan, ganun din ang pagbabawal sa mga minero na pumasok sa minahan.
Sinabi din niya na ipinagbabawal ang pag gold panning lalo na at may panahon na biglang magbubukas ang dam kung saan magdudulot ito ng malakas na pag-agos ng tubig.
Matatandaang nakaranas ang munisipyo ng Itogon ng malaking sakuna dahil sa pagsalanta ng bagyong Ompong Setyembre noong nakaraang taon.
Ayon naman kay Local Disater Risk Reduction Management Officer (LDRRMO) Cyril L. Batcagan, “dapat ulitin namin na pumunta sa critical areas at pagsabihan yung mga tao na lumikas sila sa kanilang tahanan kasi delikado na ang sitwasyon.”
Sinabi din niya na may mga evacuation centers na pwedeng puntahan ang mga residente tulad ng Tuding Proper, Bua Tuding at Keystone, Ucab.
Sinabi pa niya na makikipagunayan ang bawat barangay at may mga nakatalaga na magbabantay sa mga operation centers.
Ayon kay Batcagan, nakahanda na din ang mga backhoe at may bagong partisipasyon na din, aniya ang paaralan kung saan hindi lang pag may signal number 1 or number 2 walang pasok, sa ngayon kahit walang signal basta umulan ng malakas at tumagal ng isang oras ay awtomatikong walang papasok sa lahat ng mga eskwelahan.
“Sa mga kababayan ko dito sa Itogon, alam na ninyo ang nangyari noong typhoon Ompong, so pag may disaster na darating dapat lumikas na kayo at huwag ninyo ng hintayin yong mga magpapaevacuate sa inyo, dapat unahan na ninyo yung disaster bag kayo ang dadatnan para walang sakunang mangyayari,” ani Batcagan.
Pinaalala din ni Batcagan na sa tuwing tag-ulan ay laging tingnan ang drainage canal sa paligid ng bakuran, maging handa sa kalamidad, magkaroon ng kooperasyon sa mga opisyal at magkaroon ng emergency bag na naglalaman ng mga mahahalagang bagay, lalo na ang flashlight.
 
Lina Sotelo, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon