Judge sa Ilocos Sur Tinambangan patay.

LUNGSOD NG SAN FERNANDO LA UNION – Tinambangan at napatay ang isang Regional Trial Court Judge habang pauwi ito sa kaniyang pamilya sa San Fernando City, La Union hapon ng Martes, Nobyembre 5.
Minamaneho ni Judge Anacleto Mario Marrero Bañez, 53, ng RTC branch 25 sa Tagudin, Ilocos Sur ang kaniyang Hyundai Accent na sasakyan na may plakang ACL 1508 na pauwi na ng biglang paulanan siya ng bala sa kahabaan ng barangay Mameltac sa San Fernando City bandang 5:40 ng hapon ng mga di-nakilalang salarin.
Hindi na umabot ng buhay ang hukom sa Bethaby Hospital kung saan siya isinugod matapos ang insidente. Sa mga unang ulat ay sinabing nagtamo ng tama ng bala ng kalibre 9mm nab aril sa ulo ang hukom.
Naglunsad ang La Union police ng isang puspusang imbestigasyon sa insidente habang nagsagawa rin ang mga police stations sa kalapit na mga bayan sa La Union ng dragnet operations laban sa mga suspek.
Samantala ay sinisilip ng La Union police ang trabaho ni Judge Bañez sa Regional Trial Court branch 25 sa Tagudin, Ilocos Sur at pati mga personal niyang transaksiyon upang masakote ang mga salarin.
Sinabi ni La Union police director Lt. Col. Silverio Ordinado na inatasan ang police regional cybercrime unit upang palinawin ang close circuit television (CCTV) footages ng mga suspek upang masiguro ang kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Ordinado na ang mga eksperto ng kanilang crime laboratory ay isasagawa ang cross matching sa ipinutok na cartridge casing ng isang 9mm round na nakita kung saan binaril ang hukom na may nakitang casings ng naunang mga insidente ng pamamaril sa La Union at ibang kalapit na lugar.
Sinusubukan din mga operatiba na makakuha ng karagdagang CCTV foptages, kung mayroon man, sa kahabaan ng ruta ni Judge Banez at gayundin ng mga suspek, ayon kay Ordinado.
Kinondena ng La Union chapter ng Integrated Bar of the Philippines ang pag-atake habang sinabi ni Commission on Human Rights-Region 1 director Harold Kub-aron na naglunsad sila ng isang kapantay na imbestigasyon sa pagpatay.
Nagtrabaho si Judge Banez sa CHR-Cordillera region habang nag-aaral ng pagka-abogsya sa University of the Cordilleras bago siya nagtrabaho sa Justice department. Isa sa pinaka-kontrobersiyal na desisyong ibinaba ni Judge Banez ay ang dismissal ng murder charges laban kay Rachel Mariano, isang aktibistang naka-base sa Baguio noong Agosto kung saan nagpasiya siya pabor kay Mariano laban sa walang saligan na bintang mga sundalo na nag-uugnay kay Mariano sa isang pagtambang ng NPA sa isang bayan ng Ilocos Sur noong 2017.
 
AAD/PMCJr./Ace Alegre/ABN

Amianan Balita Ngayon