La Union nakapagtala ng unang 2 kaso ng Omicron

LUNGSOD NG BAGUIO – Kinumpirma ng Department of Health Center for Health Development – Ilocos Region (DOH-CHD-1) noong Miyerkoles na dalawang lokalidad sa La Union ang nakapagtala ng kanilang unang mga kaso ng Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa isang panayam sa telepono ay sinabi ni DOHCHD-1 Covid-19 focal person Dr. Rheuel Bobis ba isa sa unang dalawang mga kaso ng Omicron variant sa probinsiya ay mula sa bayan ng Balaoan.
“A 37-year-old male returning overseas Filipino worker (OFW) tested positive for Covid-19 on December 19 last year after he underwent reverse transcription polymerase chain reaction test, and experienced symptoms following his arrival to the country on December 16,” aniya.
Sinabi ni Bobis na nakumpleto ng OFW ang kaniyang quarantine noong Enero 3, bumalik sa La Union noong Enero 5, at nailabas ang positibong resulta para sa Omicron variant ng kaniyang genome sequencing noong Enero 14.
“He was already considered clinically recovered. However, as per protocol, if the case was a variant of concern, then he needs to reisolate until there will be no signs and symptoms of Covid-19. His close contacts up to the third generation will also be quarantined for monitoring for signs and symptoms,” ani Bobis.
Ang profile ng isa pang kaso ng Omicron variant sa probinsiya ay hindi pa ibinubunyag dahil hinihintay pa ng kagawaran ang kumpirmasyon ng kinauukukang LGU, dagdag niya.
Sinabi ni Bobis na may walong kumpirmadong kaso ng Omicron variant sa Rehiyon ng Ilocos hanggang Enero 18.
Apat na mga kaso ang nasa Pangasinan, dalawa sa La Union, at tig-isa sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Sa isang kamakailang panayam, sinabi ni Bobis na ang Omicron variant ay masyadong nakahahawa at bagaman may banayad na mga sintomas ito, ang ilan ay nakararanas pa rin ng malubha at kritikal na mga sintomas, lalo na ang mga may comorbidiries at hindi bakunado o isang beses pa lang nababakunahan.
Pinaalalahanan niya ang publiko na mahigpit na sumunod sa mga minimum health protocols at magpabakuna.
Lahat ng mga probinsiya sa Rehiyon ng Ilocos ay nasa ilalim na ng Alert Level 3 status.
(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon