Lokal na dinastiya sa Pilar, Abra lumagapak

PILAR, ABRA- Bumagsak ang lokal na dinastiya ng pamilyang Somera sa Pilar, Abra noong lunes matapos talunin ito ng isang hamak na “di kilalang” Tyron Beroña sa pamamagitan ng landslide.
Nagtamo si Beroña ng 6,210 boto samamantalang 291 lamang ang incumbent Mayor na si Maro Somera, anak ng matagal na nanungkulang mayor at dating Vice Governor Rolando Somera, na napatay sa labas ng isang cockpit sa Marikina noong 2017.
Ang babaeng kapatid at incumbent Vice Mayor Jaja Somera-Disono ay natalo din sa team mate ni Beroña sa pagka bise alkalde sa 708 boto kumpara sa 5,573 ang nasungkit ni Samson Laguesma upang magwagi bilang bise mayor ng bayan.
Nasangkot ang private army ni Somera-Disono sa paglabag sa checkpoint, pamamaril at iba ang krimen noon Marso 29.
Nagsilbing alkalde ang matandang Somera sa Pilar ng 3 magkakasunod na termino at isang ring termino bilang Board Member ng Abra. Tumakbong congressman ang nasirang Somera noong 2013 ngunit tinalo ito ni dating congresswoman at ngayo’y Govenor Joy Bernos.
Tumakbo ring bilang vice governor ang matandang Somera noong 2016 ngunit hindi pinalad. Sumabak sa pulitika ang mga anak nito na si Mark Rolando (Maro) at Josefina Jaja sa Pilar politics noong 2019 upang kontrolin ang bayan, na maibibilang na pinakalamalaki ang kinukubra sa Tobacco Excise Tax sa ilalim ng RA 7171 sa buong Abra.
Noong 2017 lamang, kumubra ang Pilar ng P594.4M mula sa RA 7171, na pinakamalaki sa 10 LGUs sa buong bansa na nagtatanim ng tabako.
Nauna nang nasisilip ng Commission on Audit ang irregularidad sa paggastos ng mga pondo mula sa RA 7171 shares ng Pilar.
Ang pagkatalo ng mga Somera ay tinaguriang pinal referendum ng mga botante kung paano pinatakbo ng mga ito ang kanilang bayan.
Dagdag pa, humaharap ang mga Somera ng patong-patong ng mga kasong kriminal gaya ng trafficking in persons matapos isang dosenang dating sundalo na ginawa nilang private army ang sumuko matapos ang madugong March 29 shooting at stand-off sa compound ng mga ito sa kanilang mismong bayan.
Artemio A. Dumlao/ABN

Amianan Balita Ngayon