LTFRB-CAR, nagbabala kaugnay sa overcharging sa pamasahe

BAGUIO CITY – Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board – Cordillera Administrative Region (LTFRBCAR) sa mga public utility vehicle drivers kaugnay sa overcharging o paniningil ng sobrang pamasahe sa mga pasahero.
Bunsod pa rin ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at sa pangamba ng ilang commuters na biglang magtaas
ng pamasahe ang mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni LTFRB-CAR Regional Director Engr. Lalaine Sobremonte na hindi dapat maningil ng karagdagang pamasahe ang mga drivers hangga’t wala pang inilalabas na kautusan ang kagawaran.
Aniya, araw-araw na nagiikot ang kanilang mga transport inspectors upang magsiyasat kung nasusunod ang mga health protocols sa mga pampublikong sasakyan at inililista rin nila ang mga reklamo kaugnay sa overcharging.
Sinabi ni Sobremonte na kung may matibay na batayan ang reklamo ay ipinatatawag nila ang operator ng inirereklamo.
Pinapaalalahanan naman nito ang riding public na ilista ang mga mahahalagang impormasyon kung may makita silang mga problema gaya ng overcharging.
“Nu adda ti makita da a problema a kasta, ilista da dejay plate number ti lugan tapnu ma-specify nga talaga jay driver, jay operator, then we can summon dejay mismo nga operator and will be charged accordingly depende nu anya ti maging result dejay hearing (Kung may makita sila na ganyang problema, ilista nila ang plate number ng sasakyan upang ma-specify ang driver, ang operator, at ipatatawag namin mismo ang operator and will be charged accordingly kung ano man ang magiging resulta ng hearing),” paalala ni Sobremonte.
Mainam din aniya na ilista kung anong araw at oras nangyari ang insidente. Kung taxi naman ang inirereklamo, sinabi niya na kailangang ilista ang trade name nito bukod sa plate number, at ipakita rin ang resibo para sa mabilis na aksyon.
Ayon kay Sobremonte, ang pagtataas ng pamasahe na walang batayang kautusan ay itinuturing na breach of franchise.
Ang mga makikitaan ng paglabag ay mamumultahan ng P5,000.00 sa first offense, magbabayad ng P10,000.00 at maaaring masuspendi ang prangkisa sa second offense, habang sa third offense ay magbabayad ng P15,000.00 at maaaring mapawalang-bisa ang prangkisa.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang LTFRB-CAR ng 54 na reklamo kaugnay sa overcharging kung saan 48 ang nabigyan ng mahigpit na babala habang tatlo ang napatawan ng parusa.
(JDP/DEG-PIA CAR)

Amianan Balita Ngayon