Mahal na Araw… Mahal Lahat!

Semana Santa…Holy Week…Mahal na Araw. Iisa ang katuturan…ngilin, di ba? Pero sa panahong ito ni Covid-19, kaibang ngilin ang ating makakasalamuha. Bakit? Sabayan nyo kami sa ating pang-Semana Santang edisyon ng Daplis. Pero una sa lahat, bago tayo magwala, este, dumaplis…bato-bato sa langit hane:

******
Sa aking memorya, noong nakaraang Linggo ng Palaspas ang kauna-unahang Palm Sunday na hindi sa simbahan binasbasan ang mga palaspas ng mga katoliko. Ang dating gawi ay mismong sa loob at bisinidad ng mga simbahan ginagawa ng mga pare ang pagbabasbas sa mga palaspas.

Nakalinya ang mga deboto at kung minsan, talagang siksikan na may tulakan pa nga. Disgrasyado ang praktis na ito sa panahon ng Covid na may physical o social distancing. Baka raw magkahawaan lalo pa’t di natin tiyak kung may virus ang ating katabi. Baka nagkataong may bumahin sa eksenang nambabasbas ang pari o kaya’y umubo ng tudo, baka magpulasan ang mga deboto. Baka pati pare makakaakyat sa tore ng simbahan sa gulat. Tsk tsk…buti na lamang iniba ang  eksena sa Palm Sunday.

Ayon sa mga ulat, naganap din ang palaspas pero sa mismong mga bahay-bahay na binabasbasan ang mga palaspas. Mga pari na ang lumalabas at naglilibot. Mas tipid at malayo sa virus. Ang masaklap kung ang mga pari naman ang tatamaan ni Covid19. Batid ng lahat na sa Vatican o Italya, mahigit sa animnapung pari ang nagpositibo at namatay.

******
Sa tuwing Semana Santa, inaalala ng sanlibutan ang paghihirap ng Poong Hesus. Sinalubong siya noon ng mga nagbubunying debotong depalaspas. Ngunit iba ang salubong ng mga kontra sa kanyang mga pangaral. Ang mga pangaral niyang mga yon ang naging dahilan upang mismong kapanalig niya (desipulo) ang nagtaksil at nagkanulo sa kanya.

Bunga nito, ang hardeng dasalan ay naging harden ng pagkakanulo at mitsa ng kanyang pagkadakip hanggang sa pinahirapan bago ipako sa krus sa Kalbaryo. At sa umagus niyang dugo sa likod ng mga ipit na hinanakit at katapangang ipinamalas sa pagtanggap sa hamon ng Ama…naganap ang lahat: tinubos ng kanyang buhay ang ating mga kasalanan.

Tanong – sa mga eksena tuwing Semana Santa gaya ng nakakaawang inang pinanood ang kamatayan ng anak sa krus hanggang sa ilibing at muling nabuhay…nauulit ito sa tunay na kalagayan ng mundo dahil kay Covid-19. Dahil sa salot na virus, wala tayong magawa kundi tanggapin ang katotohanang hindi natin hawak ang ating buhay kundi kung ano ang iginuhit ng tadhana para sa nilalang.

Mahal na uring pantubos ng pagkakasala noon…pero sa ngayon mahal na pantubos sa ating pagkakamali at pagmamalabis na halos limot na nating tumingala. Mahal ang katumbas ng pagsisisi, pero sana’y di pa huli ang lahat. Sana’y ang ating mga inuusal na dalangin ay mapakinggan at sana’y manumbalik tayo sa kung saan tayo iniwan at inilagay ng ating Poon.

******
Sa ganitong panahon, nagaganap din ang mga mapagkunwang gawi kung saan marami ang nagsisisi (pansamantala) at marami rin ang pakunwari na maka-Diyos kahit maka-demonyo ang asal.

Sana hindi mahal ang singil sa mga pautang na ito sa sangkatauhan. Katunayan, yong nagpenetensiya sa Pampanga, hinuli at kinasuhan. Alam na nga nating bawal, sinusuwag pa rin natin.

Huwag na sanang umabot sa ating bansa ang nangyayari sa ibang bansa gaya ng Italya, Espanya, America, China at iba pa…na dahil sa katigasan ng ulo at kakulangan ng paghahanda….grabe na ang pamamayagpag ni Covid-19. Kaya sa panahong ito…Mahal na Araw, pero mas mahal ang bunga. Maging aral sana sa lahat ang parusang ito sa mundo. Mahal na araw…mahalin natin ang ating buhay. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon