Makarating sana ang ayuda sa mga karapatdapat: walang labis, walang kulang

Kamakailan ay inilunsad ng gobyerno ang “Social Amelioration Package” (SAP) ng Bayanihan to Heal As One Act bilang bahagi ng pagtugon nito sa krisis dulot ng COVID-19 at may layong ibsan ang epekto sa “socio-economic” ng krisis sa kalusugan ng COVID-19 at mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ilang mga ahensiya ng gobyerno ang naatasang ipatupad ang PhP200 bilyong halaga ng SAP na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna. Nasa 18 milyon Pilipino na siyang pinaka-apektado ng epidemya ang makikinabang ng social amelioration ng gobyerno habang puntirya ang mga benepisaryong tulad ng senior citizens, persons with disabilities, mga buntis na babae, solo parents, OFWs (distress at repatriated), indigenous people, walang tahanan, mga magsasaka, mga mangingisda, self employed, informal settlers, at ang mga nasa ilalim ng No Work-No Pay arrangements (gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, at iba pa).

Tatanggap ang mga natukoy na mga benepisaryo ng SAP ng pera at mga bagay na ayuda na nagkakahalaga ng PhP5,000 hanggang PhP8,000 bawat buwan sa loob ng dalawang buwan. Ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay tatanggap ng karagdagang halaga sa dati na nilang tinatanggap upang mahustong PhP5,000 o PhP8,000 ang tatanggapin depende sa kanilang mga lugar.

Dahil sa lubhang dami ng tulong na ibibigay ng gobyerno at ang napakalaking halaga na sangkot, lahat ng mamamayan ay dapat makibahagi na siguruhing ang mga banepisyo at karapatan ng mga mamamayan sa panahon ng krisis ay makarating sa tamang mga benepisaryo sa tamang oras na sinusunod ang mga panuntunan na walang mga anomalya.

Dahil sa kasaysayan (o pag-uugali) ng ating politikal na lipunan, ang mga nasa posisyon ng otoridad at koneksiyon sa alokasyon ng “mga biyaya” ay mukhang makikita na naman sa panahon ng krisis at kakulangan na nakita na natin sa COVID-19 testing.

Nagiging prayoridad ang mga opisyal ng gobyerno, ang mayayaman at may koneksiyon sa testing na nagbunsod ng galit at batikos mula sa mga mamamayan.

Sa pagkalap pa lamang ng listahan ng mga puntiryang benepisaryo ng SAP ay nagkaroon ng mga problema at kalituhan na naging sanhi ng galit at paninisi ng mga residente at ibinunton ito sa mga opisyal ng mga barangay at mga LGU. Ang hindi malinaw na komunikasyon ukol sa mga panuntunan at alituntunin sa pagitan ng mga pambansang ahensiya ng gobyerno at sa ibaba ay nagdudulot ng kaligaligan

Sa pagpapalawig ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon hanggang Abril 30 ay patunay na hindi pa tapos ang laban natin sa COVID-19 at mga paghihirap at pagtitiis dulot nito. Ang pinansiyal na tulong para sa dalawang buwan ay isang bahagi lamang ng pagsisikap ng gobyerno upang makaagapay tayo sa epidemya, ngunit ang isa pang kasing-halaga o baka mas mahalaga ay ang patuloy nating pakikipag-kaisa na manatili sa mga bahay at sundin ang mga alituntunin upang makaiwas na mahawa sa sakit hanggang mapuksa na ang COVID-19 dahil sa totoo lang ay tayo rin ang may kayang puksahin ito.

At habang nangyayari ito ay patuloy pa rin tayong maging mapagmasid at makialam sa mga nangyayari sa pamamagitan ng mga tamang impormasyon mamamagitan sa pambansang gobyerno, mga lokal na gobyerno, mga ahensiya, komunidad at mamamayan upang makarating sa mga kinauukulan tungo sa maagap na pagkakaroon ng lunas sa mga problema. Siguruhin din natin ang pananagutan ng mga ahensiyang nagbibigay ng tulong pinansiyal ay namamayani upang makarating ang ayuda sa mga karapat-dapat na benepisaryo na walang labis, walang kulang.

Amianan Balita Ngayon