Maigting na seguridad ng Undas paiiralin sa Cordillera

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO –  Ipapatupad ng Police Regional Office-Cordillera (PROCOR) ang mahigpit na seguridad para sa libo-libong turista na inaasahang aakyat sa highland region sa darating na mahabang weekend na magsisimula sa Undas na panahon ng pagbisita ng mga kaanak sa kanilang mga mahal sa buhay na namayapa.

“Over a thousand policemen will be deployed to beef up security across the six provinces and two cities of the Cordillera,” ani Supt. Pelita Tacio, PROCOR information officer.

Kilala bilang Philippines’ Summer Capital ang lungsod ng Baguio, kabilang ang ibang probinsiya sa Cordillera na mayroong kasaysayan ng pagiging crowd drawers kapag mahaba ang weekends.

Idineklara ng Malacanang bilang special non-working holidays ang All Saints’ Day sa Nobyembre 1 (Huwebes) at All Souls’ Day sa Nobyembre 2 (Biyernes).

Magpapadala ang PROCOR ng 1,894 na pulis sa buong Cordillera upang bantayan ang 173 sementeryo ng region, gayundin ang mga simbahan, transport terminals, at highways upang tumulong sa traffic management at seguridad ng mga mananakay, ani Tacio.

Dadagdagan ng 3,238 force multipliers ang puwersa na kinabibilangan ng Barangay Peacekeeping Action Teams (tanods) at volunteers, aniya.

Kadalasang tumatanggap ng majority ng mga bisita ang Baguio, kaya naman magkakaroon ito ng 584 pulis at 686 force multipliers, habang ang Benguet ay 258 pulis at 677 force multipliers para sa buong panahon ng Undas 2018.

“As the need arises, stand-by PNP (Philippine National Police) personnel from the regional headquarters will be ready to be deployed anytime,” ani Tacio.

Aniya, ang kapulisan sa buong bansa ay nasa full alert, habang inilunsad ng PNP ang Oplan Undas upang magbigay ng kaligtasan sa publiko, seguridad, at ibang contingency measures, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies, local government units (LGUs), at non-government organizations.

Bago ang pagdaros, magsisiyasat sina PROCOR Regional Director Chief Supt. Rolando Nana at kaniyang mga staff sa mga sementeryo at bus terminals sa rehiyon, ani Tacio.

“All cell sites and towers will also be secured to prevent attacks by rebels,” dagdag ng opisyal, at nananawagan sa publiko ng disiplina at pagsunod sa safety rules at security protocols.

Pinaalalahanan din niya ang publikong huwag magdala ng matutulis na bagay, alak, portable radio, stereo components, at iba pang ipinagbabawal na bagay sa mga sementeryo, o kukumpiskahin ang mga ito ng pulis. L. AGOOT, PNA / ABN