Malaria-free Mt. Province, idedeklara ng DOH-CAR

Idedeklara na ng Department of Health-Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) ang Mountain Province bilang isa sa tatlong probinsya na “malaria-free” sa darating na ika-25 ng Abril.
Ayon kay Dr. Alexei Marrero, Medical Officer IV ng Head Communicable Disease Cluster, sero porsyento na ang kaso ng indigenous malaria o yung malaria na nagmumula mismo sa lokalidad ng rehiyon.
Nauna nang idineklara ng DOH-CAR ang Benguet, kasama na ang siyudad ng Baguio, at Abra bilang malaria-free provinces noong taong 2006 at 2015, bagaman kinumpirma ng Kagawaran na mayroong mga natitirang probinsya na kasalukuyan nilang sinusubaybayan sapagkat ang kasong malaria sa kanilang lugar ay progresibong bumababa ngunit hindi pa maaaring kumpirmahing malaria-free.
Samantala, kabilang sa mga hakbang ng DOH ang adhikain nilang ipalaganap sa bawat probinsya ang wastong kaalaman tungkol sa malaria, kalinisan at kaligtasan, pati na rin ang adbokasiya na magbigay ng libreng kulambo sa bawat pamilya.
Dagdag naman ni Marrero, hinihingi ng DOH-CAR ang agarang tulong sa pagpapalaganap ng impormasyon at kaalaman sa nasabing sakit sa loob at labas ng pamilya upang makamit ang layuning maging “Malaria-free Cordillera” na ang rehiyon sa darating na taong 2020. Wendell L. Roque, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon