Mga babakunahan sa Baguio sa DOH magparehistro, hindi sa Kontrobersiyal na App

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinabi ng mga opisyal ng Baguio City Healthy Office (CHSO) na ang mga residente na magpapabakuna kontra COVID-19 ay dapat magparehistro muna sa link na ibinugay ng Department of Health (DOH).
Bago bakunahan ang isang indibiduwal, kailangan nakarehistro sila sa DOH at manigyan ng QR code, sinabi ni CHSO Risk Communication Group on COVID-19 at Vaccination Plans Cooedinator Cecille Agpawa, dagdag niya na ang DOH link ay ihahanda pa para sa mga health workers (HCWs).
Niliwanag ni CHSO Chief Dr. Rowena Galpo na ibinigay ng DOH na QR code ay iba sa QR code ng “Baguio In My Pocket” (BIMP) application salungat sa sinasabi ng Office of the Mayor na ito ang gagamitin sa panahon ng pagbabakuna.
Noong Enero ay nagpatupad ang pamahalaang lungsod ng isang “No Qr code, No Entry” sa city hall kaya maraming bumibisita sa City Hall na magrehistro sa BIMP at kumuha ng QR codes.
Idineklara rin ni Mayor Benjamin Magalong na lahat ng magpaparehistro sa BIMP ay sila ang magiging prayoridad sa programa ng pagbabakuna. Subalit ipinaliwanag ni Dr. Galpo na ang datos na makakalap ng DOH ay magiging iba mula sa datos na hinihingi ng BIMP ng lungsod.
Sinabi niya na kukuha ang DOH ng mga impormasyon sa allergies, medical histories at iba pang mahahalagang aspeto na may kaugnayan sa kalusugan ng isang tao bago siya mabakunahan.
Naunang nagging kontrobersiyal ang BIMP matapos pinaniniwalaan ng ilang residente na ito ay lalagpas sa kung ano ang dapat na gamit nito sa pagkuha ng personal na impormasyon mula sa mga magpaparehsitro. Ilan ay nagsuspetsa pa na ito ay isang intelligence gathering tool.
Samantala ay sinabi ni Galpo na sa survey na isinagawa ng DOH-Cordillera, 75% ng mga respondents na mga health care workers (HCWs) ay nagsabing magpapabakuna sila. Sinabi rin niya na sa ibang survey na isinagawa sa Lungsod ng Baguio, 65% ang nagpahayag ng kagustuhan na mabakunahan.
Sinabi ng opisyal ng kalusugan na pinaigting nila ang information and education campaign upang mas maraming tao ang magnanais na mabakunahan sila laban sa virus.
(AAD/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon