Mga establisimiyento sa Cordillera sumusunod sa price freeze:DTI

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinabi ng Department of Trade and Industry sa Cordillera Administrative Region (DTI-CAR) na sumusunod ang mga establisimiyento sa price freeze na ipinatupad bilang resulta ng national health emergency at state of calamity.
Sa kaniyang social media post ay sinabi ni Myrna Pablo, DTI-CAR regional director na ang “price freeze ay ipinapatupad at sinusunod ng mga minomonitor na mga establisimiyento sa buong rehiyon.”
Sinabi niya na isinasagawa ng DTI-CAR ang work from home arrangements ngunit ang price monitoring divisions ng regional at provincial offices ay nasa skeletal force at nagsasagawa ng araw-araw na pagmomonitor sa mga presyo sa mga retail establishments.
Gayunman, sinabi ni Pablo na namonitor nila ang pagbaba ng suplay at imbentaryo ng basic at prime commodities.
Muling binuhay ng mga mayor sa Cordillera ang kanikanilang local price coordinating councils (LPCCs) kung saan tinatalakay ang mga isyu sa mga presyo ng mga pangunahing produkto.
Sa ginawang Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-TubaTublay (BLISTT) council meeting noong Miyerkoles, ang isyu sa kawalan at kakulangan ng alcohol, face masks at thermal scanners sa lugar ay tinalakay at ipinagbigay-alam sa DTI.
Ang BLISTT council ay binubuo ng mga mayor ng anim na local government units sa loob at palibot ng Baguio.
Sa isang press conference noong Martes ay sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG-CAR) regional director Marlo Iringan na lahat ng 75 mayors ng mga munisipalidad sa anim na probinsiya at dalawang lungsod sa CAR ay mahusay na napapangasiwaan ang sitwasyon dulot ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) at mga epekto nito.
Hanggang 5 n.h. noong Martes ay ang probinsiya ng Abra lamang ang may naitalang isang positibong kaso ng coronavirus diseases na inaasahan ng mga opisyal na hindi na madaragdagan dahil sa implementasyon ng community quarantine ay umiigting.
 
LA-PNA/PMCJr.-ABN
 

Amianan Balita Ngayon