Mga sagabal sa waterway easement, aalisin na

LUNGSOD NG BAGUIO – Uumpisahan na sa lalong madaling panahon ang pag-alis ng mga ilegal na istruktura na sagabal sa easement ng mga ilog at ng mga saklaw nito bilang bahagi ng kampanya ng lungsod na muling buhayin ang kanyang mga water resource.

Inatasan ni Mayor Benjamin Magalong ang City Buildings and Architecture Office, City Environment and Parks Management Office at ang City Engineering Office noong Martes, Setyembre 17 na kanila nang simulan ang pagproseso ng pag-alis sa mga ilegal na istruktura at umpisahan sa Camp 7.

Nilinaw nina City Engr. Edgar Victorio Olpindo at CEPMO assistant head Rhenan Diwas na ang mga paunang abiso ay na-isyu na sa mga may-ari ng mga istrukturang nadatnang nakasagabal sa mga waterway sa barangay Camp 7 at Brookside base sa mga pagsisiyasat na isinagawa sa mga nasabing lugar sa naunang direktiba mula sa alkalde ng lungsod.

Inatasan ng alkalde ang mga tanggapan na makipagugnayan sa mga punong barangay para magkusang loob ang mga occupant na bakantehan ang lugar na nasasakupan partikular sa Camp 7 na ayon sa kanya ay naging hindi kasiya-siya at hindi na malinis.

Isang pangkat ng mga kampeon ang binuo para sa proteksyon ng mga ilog, waterway, at sewer line na pinamumunuan ni Engr. Stephen Capuyan ng CBAO at binubuo ng mga tauhan mula sa tatlong mga tanggapan.

Sinabi ni Diwas ng CEPMO na isasaayos ng pangkat ang mga pamamaraan ng inspeksyon at pagpapaalis at susunod sila sa due process.

Sasakupin ng kampanya ang lahat ng mga ilog at ng mga saklaw nito partikular ang mga ilog ng Sagudin-Balili, Galiano, Bued, at Ambalanga.

Sinabi din niya na ang kampanya ay bahagi ng pagpapasigla ng kapaligiran na naka-angkla sa regreening activity at proteksyon ng mga waterway.

“We aim to revitalize our rivers by sustaining not only the clean-up but also the clearing them of encroachments that contribute to their pollution,” ani Diwas.

Sinabi ni Diwas na ang mga easement ay kinakailangang maging “free of incursion” dahil ito ay gagamitin sa pagpapalawak at pag-upgrade ng mga sewerline sa hinaharap.

Bukod sa Camp 7 at Brookside, ang mga iba pang target na barangay para sa clearing ay ang Gibraltar, Trancoville, at mga iba pang barangay na may daanan ng tubig at ng mga saklaw nito na kung saan ay maraming sagabal.

Aileen P. Refuerzo, PIO-Baguio/MDR-ABN

Amianan Balita Ngayon