Nawawalang Koreano sa Mt. Province, nasagip na

LA TRINIDAD, BENGUET – Natagpuan na ang isang Koreanong nawawala matapos itong nag-hiking sa lalawigan ng Mountain Province.
Bagaman nanghihina nang natagpuan ito si Choi Sun Kyu, 56 anyos, ay nakita dakong 11:40am noong Hunyo 20 matapos ang pitong araw na walang humpay na paghahanap ng mga rescuers mula sa military, disaster response teams, kapulisan at mga civilian volunteers.
Ayon kay Edward Chumawar, officer ng Mt. Province Disaster Risk Reduction Management Council, agad nilang dinala ang Koreano sa pinakamalapit na highway, na tinatayang tatlong oras na lakaran mula sa lugar kung saan ito natagpuan, at mabilis na ipinunta sa Bontoc, capital ng probinsya, dahil sa panghihina nito.
Si Choi ay naiulat na dumating sa Barlig noong Hunyo 7 at nagcheck-in sa Halfway Inn and Restaurant sa Poblacion.
Matapos ang dalawang araw, nagcheck-out umano ito sa hotel at sinabi sa may-ari na papunta ito sa Battad, Banaue, Ifugao kung saan matatagpuan ang Battad Rice Terraces.
Nakita ang Koreano dakong 9:30am noong Hunyo 9 ni Miguel Lagkio, isang residente, sa sitio Chator, barangay Latang, Barlig, at papunta sa brgy. Pula, Banaue, Ifugao.
Ang Battad, ayon sa lokal na mountain hiking guide, ay mararating lamang sa pamamagitan ng paglalakad nang isang araw na daraan sa Barangay Pula.
Dakong 5:30 ng hapon ng Hunyo 13, nakontak ng isang pulis ang Koreano na nagsabing nasa lugar ito na maraming pine trees at nanghihina na.
Sinabi pa nito sa pulis na papatayin na nito ang cellphone para matipid ang battery nito.
Dakong 6:30 ng umaga ng sumunod na araw, nakatanggap ang Barlig police ng report mula sa Korean Embassy na nagsasabing buhay pa ang Koreano at nasa isang malaking bato sa kabundukan.
Ito ang nagbunsod sa Barlig disaster and risk response personnel, ilang mga residente at mga pulis na puntahan ang mga sitio Ammiw at Furud sa barangay Latang kung saan may mga malalaking bato ngunit bigo ang mga ito na matagpuan ang Koreano.
Natagpuan si Choi sa isang kubo sa sitio Tungcho, barangay Latang sa Barlig, Mt. Province. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon