Oplan Culex sinimulan na sa Benguet

Inilunsad ng Department of Health (DOH), ang “Oplan Culex” o pagbibigay ng measles at japanesese encephalitis (JE) vaccine noong Lunes, March 4 sa mga kabataang edad anim na buwan hanggang 59 na buwan para sa measles, at edad siyam na buwan hanggang 59 na buwan para sa JE.
Ayon kay Provincial Health Office (PHO) Medical Health Officer III Antonette Agpas, ang kampanya kontra JE ay nagsimula noong nakaraang taon at dahil na rin sa labis na pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng measles o tigdas ay napag-usapan din na isali ito sa kampanya.
Kamakailan lamang ay bumista si Department of Health (DOH) Undersecretary Roger Tong- an sa lungsod ng Baguio at hinikayat ang mga magulang ng mga bata na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang ibat- ibang klase ng sakit.
Samantala, iniutos naman ni Benguet governor Crescencio Pacalso sa mga Disease Surveillance Units (DSUs) sa lalawigan na ipatupad ang mga panukalang preventive at pro-active at suportahan ang pagbabakuna para mas lalong matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng tigdas at JE, sa pamamagitan ng Executive Order no. 2019-005 na kanyang nilagdaan noong Pebrero 28.
Ang JE ay isang malubhang sakit na maaaring maging sanhi ng kamatayan. Ang sakit ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Ang lamok na “aedes aegypti” na nagdudulot ng “yellow fever” ay maaaring maging sanhi ng dengue fever at chikungunya at iba pang mga klase ng sakit.
Ang tigdas ay sanhi ng “rubeola virus” kung saan ang virus ay nabubuhay sa uhog (mucus) ng ilong at lalamunan ng isang nahawaang bata o nang indibidwal na may sapat na gulang.
Ang sakit ay nakakahawa sa loob ng apat hanggang limang araw bago pa lumitaw ang mga pantal sa klatawan.
Ang DOH, kasama ang Benguet Provincial Health Office at Benguet General Hospital (BeGH), ay may layong palawakin ang programa ng pagbabakuna laban sa measles at JE.
Magdaragdag din ng bilang ng mga nars sa ibat-ibang lalawigan ng Benguet para sa mass vaccination.
Samantala, sa Baguio City naman, umaabot na sa 3,838 ang bilang ng mga batang nabakunahan laban sa JE, ayon sa Regional epidemiology and surveillance unit (RESU).
Sa pahayag ni Greeny Austria ng DOH-CAR RESU, ang sinabing bilang ay kumakatawan lamang sa mga nabakunahan noong Pebrero 14 hanggang 26, 2019.
Ikinagagalak naman ni Mayor Mauricio Domogan ang pagpapatupad ng “no vaccination, no enrollment” ng DOH.
Patuloy na pinaaalalahanan ng DOH ang publiko na linisin ang anomang maaring pamahayan ng lamok sa kanilang mga lugar upang makaiwas sa JE, dengue, at iba pang klase ng sakit na dala ng lamok.
 
Saissem Hortelano & Shermae Anayasan, UB Interns/ABN
 

Amianan Balita Ngayon