P65-M inilaan sa school buildings sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Naglaan ng karagdagang P14.1 milyon sa P50.9 milyon ang pamahalaang panlalawigan kamakailan para sa iba’t ibang school building projects sa Benguet.
Sa panayam kay Governor Crescencio Pacalso, sinabi nito na ang halaga ay nasa ilalim ng Special Educational Fund (SEF) na pinamamahalaan ng Provincial School Board, na pinamumunuan nito.
Ang pondo ay nakalaan partikular sa pagtatapos ng gymnasium ng Pontino Elementary School sa Barangay Ambassador sa bayan ng Tublay; pagkukumpuni ng Day Care Center ng Pongayan, bayan ng Kapangan; pagtatayo ng Sagondoy Elementary School sa Posel, Amgaleyguey, bayan ng Buguias; restoration ng Alternative Learning School (ALS) building at overhauling ng school clinic ng Barangay Puguis sa kabisera ng La Trinidad; paunang pondo para sa pagpapatayo ng two-storey building sa Barangay Cattubo, Atok; pagpapatayo ng multi-purpose building sa Madaymen National School sa Kibungan; pagpapatayo ng bakod sa Bulo Elementary School sa Poblacion, Bokod; pagpapatayo ng administrative building ng Bokod National High School sa Pito, Bokod; at paunang pondo sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng classrooms ng Palina Elementary School sa Kibungan.
Naglaan ang provincial school board ng kabuuang P50.99 milyon noong Disyembre 27, 2017 para sa proyektong prayoridad sa ilalim ng SEF ng 2018 na gagamitin sa iba’t ibang proyekto tulad ng infrastructure, elementary at secondary education support programs, sports development, maintenance at iba pang operating expenses.
Nilikha ng Republic Act No. 5447 ang SEF, mula sa bahagi ng real property taxes na ibinabayad sa local government unit.
Ang SEF ay awtomatikong inilabas sa Local School Board para sa operation at maintenance ng public schools, pagpapatayo at pagpapagawa ng school buildings, pasilidad at kagamitan; educational research; pagbili ng mga libro at periodicals; at sports development. P.AGATEP, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon