Pagtatag ng “malasakit center”, susuportahan ng SP ng LU

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Nagpasa ang Sangguniang Panlalawigan ng La Union ng resolusyong
sumusuporta sa panukalang batas na humuhubog sa pagtatag ng mga Malasakit Center, mga “one-stop-shop” upang mapabilis ang pagtawid ng healthcare assistance sa mga mahihirap at nang maging abotkaya at accessible ito sa kanila.
Inisponsoran ni Board Member Jennifer C. Mosuela ang nasabing resolusyon na sinuportahan naman ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Si Senator Christopher “Bong” Go ang may-akda ng panukalang batas na kung saan ay dadamayan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philhealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Mosuela, ang health sector ay isa sa mga programang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng La Union sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Francisco Emmanuel “Pacoy” Ortega III.
Sinabi din niya na marami sa mga nasasakupan ang makikinabang sa mabilis na pagtawid ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan o basic health service, oras na maging batas ang nasabing panukala.
 
Rafael C. Mosuela, GPC-SP/Merriam del Rosario-ABN

Amianan Balita Ngayon