Pagtugon sa health protocols hiningi ng Reg’l Task Force sa mga establisimiyento

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Dahil sa dumaraming establisimiyento sa rehiyon ng Ilocos ang pinayagang magbalik-operasyon sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ay hinihingi ng Regional Task Force sa mga nagbukas na establisimiyento na sumunod sa minimum health protocols at standards upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay nakasaad sa isang joint Resolution No. 6 s. 2020 o ang “Adoption of DOLE-DTI Interim Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19, at ang DTI Memorandum Circulars 20-21, 20-22, Guidelines on the Operations of Barbershops, Salons, Dine-in Restaurants, Mall and Fastfood Establishments” na inilabas ng Regional Task Force 1 COVID-19 at ng Regional Inter-Agency Task Force sa Ilocos.
Iniuutos na lahat ng mga establisimiyentong negosyo sa rehiyon ng Ilocos na pinayagang mag-operate sa panahon ng MGCQ ay dapat magpatupad ng minimum health protocols at standards bilang preventive measure sa gitna nga pandemys sa COVID-19.
Kabilang sa health protocols ang sapilitang pagsusuot ng face masks sa mga gusali at mga lugar ng trabaho, pag-fill up ng daily health symptoms questionnaire na isusumite sa guard-on-duty o safety officer, mahigpit na physical distancing, pag-check sa temperatura, paggamit ng alcohol/sanitizer at paglalagay ng disinfection booths o foot baths, at iba pa.
Upang masiguro ang pagsunod sa nasabing protocols, isang grupo ng Regional Enforcement Team na binubuo ng Department of Labor and Employment-Region 1 (DOLE R1) at ng Department of Trade and Industry-Region 1 (DTI R1) ang nagsasagawa ng mga aktibidad upang masiyasat at mamonitor ang pagsunod ng mga establisimiyento sa health safety protocols.
Isa pa, ang Office of Civil Defense-Region 1 ang nakatalaga sa konsolidasyon at balidasyon ng mga ulat.
Noong Hunyo 10 ay nagsagawa ang DTI-R1 at DOLE-R1 ng isang pinagsanib na monitoring sa mga establisimiyento ng negosyo sa isang mall sa lungsod upang siyasatin kung ang mga alituntunin sa minimum health protocols at standards ay mahigpit na naipapatupad upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.
Gayundin ay nagsagawa ang DTI-La Union at DTI-Pangasinan nga kaparehong monitoring sa ilang establisimiyento sa kanilang mga probinsiya kabilang ang  barbershops, salons, dine-in restaurants, malls at fastfood establishments.
Bukod ditto, ang mga resulta ng monitoring ay iuulat sa Regional Task Force 1 na maiindorso sa local government units para sa pagpapatupad ng mga sanksiyon o iba pang angkop na hakbang sa hindi-pagsunod. (JTQ-PIA1/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon