PNP may bagong istasyon sa Abra

LANGIDEN, Abra – Binuksan ng Police Regional Office – Cordillera (PROCOR) ang bagong-tayong municipal police station dito upang lalong masilbihan ang bayang ito.
“The PNP provides a good home for our policemen to encourage them to provide better service to the community,” ani PROCOR regional director Rolando Nana noong Martes, Marso 5.
Sinabi ni Nana na nagpupursige ang gobyerno na magbigay ng magandang bahay sa police na bahagi ng layuning ipadama sa publiko na ligtas sila sa pagkakaroon ng isang police station sa kanilang kumunidad.
Ang police station ay nagkakahalaga ng PhP4.8 milyon na itinayo sa isang lote sa Poblacion na donasyon ng pamahalaan ng munispiyo bilang counterpart nito.
Isa itong tatlong-palapag na gusali na may multi-purpose open function area sa rooftop. Sinabi ni Nana na isang tahimik na lugar ang Langiden kahit sa panahon ng halalan.
Sa turnover ng police station ay nangako si Mayor Artemio Donato, Jr. na pananatilihin nila ang katahimikan at kaayusan sa bayan na nasa mahigit 20 kilometro ang layo sa Bangued, kapital ng Abra.
“Natalna ti Langiden ta nagpapatang kamin nga pupulitiko. Awan ti kalaban ti para mayor isu nga awan cproblemaen tayu nga aglalaban (Tahimik ang Langiden dahil nag-usap at nagkaisa kami na wala ng kalaban ang tumatakbong mayor, kaya walang dapat ikabahala),” Ani Donato.
Sa isinagawang aktibidad ay boluntaryong isinuko ni Donato ang tatlong baril – isang shotgun, M14 rifle at isang Ingram, bilang suporta sa kampanya ng police laban sa loose firearms.
 
PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon