Proyekto sa city market umakit ng malalaking investors

LUNGSOD NG BAGUIO – Umakit ang market development project ng malalaking investors gaya ng Robinsons at SM Corporations, ito ang inihayag ni Mayor Benjamin Magalong sa lingguhang Management Committee meeting noong Pebrero 11.
Sinabi ni Magalong na nagsumite ang Robinsons ng isang “unsolicited proposal” na ipriprisinta sa mga opisyal ng lungsod sa Pebrero 14 habang nagbigay naman ang SM ng abiso na ibibigay ang kanilang proposal para sa presentasyon sa Pebrero 17.
Inaasahan ng lungsod na makatatanggap ng mas marami pang proposal para sa multibillion na proyekto na magbabago sa pampublikong merkado tungo sa isa sa pinakamagandang trading centers sa bansa.
Ang lahat ng ito ay susuriin ng Public-Private Partnership for the People (P4) selection committee ng lungsod sa pamumuno ni City Budget Officer Leticia Clemente at ng technical working group (TWG) on market development na pinamumunuan ni Councilor Mylen Yaranon upang matiyak ang viability ng mga proposal alinsunod sa hinihingi ng lungsod.
Naunang sinabi ng Mayor na nais ng lungsod ng alok na hindi kinakailangan ng cash investment at isa na masisiguro ang kapakanan ng mga kasalukuyang leaseholders na nasa 4,000 ang bilang.
Nagdesisyon ang lungsod na hindi itutuloy ang loan scheme upang ipatupad ang proyekto pabor sa PPP joint venture.
Siniguro ng Mayor na sa ilalim ng nasabing development mode ay magiging partner pa rin vendors cooperative sa pakikipag-kasundo ng lungsod sa mananalong developer.
Noong Enero ay iprinisinta ng TWG ang final development plan para sa tatlong ektaryang complex na sinabi ni Yaranon na kasama ang inputs ng mga stakeholders mula sa mga serye ng konsultasyong isinagawa.
Ang architectural design ng market development plan na inaprubahan ng konseho ng lungsod sa Resolution No. 39- 2020 ay “provides for a seven-storey structure including two underground floors to house the vendors with provisions for parking, sewage treatment plant, materials recovery facility and open space comprising 30 percent of the area for alleys and parks.”
Nasa PhP2.5 bilyon ang estimated cost ng proyekto na isa sa prayoridad ng lungsod na kabilang sa 15-point core collective agenda ng kasalukuyang administrasyon.
 
APR-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon