Pulis patay sa “love triangle”

BANGUED ABRA – Pinaniniwalaang “love triangle” ang pagkamatay ng isang pulis at grabeng pagkasugat ng isa pang policewoman, matapos madatnan ng pulis ang dalawa sa bahay at pagbabarilin, noong Biyernes sa bayan ng Bangued, Abra.

Ang napatay ay si Jay Valdez Tabili, samntalang ang sugatan ay si Patrolwoman Jemalyn Langgoyan, kapuwa nakatalaga sa Bucloc Municipal Police Station.

Si Tabili ay nagtamo ng bala ng baril sa ulo na ikinamatay nito agad, samantalang si Langgoyan ay nagtamo ng bala ng baril sa dibdib, na ngayon ay ginagamot sa hospital.

Ang suspek na ngayon ay nasa Bangued Municipal Police Station ay nakilalang si police trainee Joseph Langgoyan, na kasalukuyang nasa field training program ng Bangued MPS at asawa ni Jemalyn Langgoyan.

Sa police report, nagresponde ang tauhan ng Bangued MPS sa iniulat na shooting incident dakong ala 1:00 ng madaling sa may HRH Space Rental, na kalapit building ng Valera Medical Hospital Zone 7, Bangued, Abra.

Sa imbestigasyon, sopresang binisita ng suspek ang asawa sa inuupahang kuwarto nito, nang datnan niya si Tabili na kasama nito, na kanyang ikinagalit at binaril ang dalawa, gamit ang cal.45.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon