State of emergency idineklara sa Sablan sanhi ng rabies

LUNGSOD NG BAGUIO – Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Sablan sa lalawigan ng Benguet ang state of emergency sanhi ng pagtaas ng mga kaso ng rabies sa munisipalidad, ayon sa isang opisyal noong Biyernes.

“The purpose of declaring the municipality under the state of emergency is for us to adopt measures and strategies to contain the further spread of the rabies virus in the municipality and likewise in the adjacent municipalities of Benguet and the province of La Union,” ani Sablan vice-mayor Arthur Baldo sa isang press conference.

Sa talaan ng bayan ay ipinakita na mayroong 43 katao ang naitalang nahantad ng virus.“ There were three confirmed cases of rabid dogs in particular at Poblacion as reported by the municipal agriculture office and the rural health unit as confirmed by the regional animal disease diagnostic laboratory,” nakasaad sa aprubadong resolusyon ng konseho 19-142 sa isang special meeting noong Hulyo 24.

Ang Sablan ang pinakahuling bayan sa kahabaan ng Naguilian, malapit sa bayan ng Burgos sa La Union patungo sa probinsiya ng Ilocos.

Ang unang kaso ay kinasangkutan ng isang aso na kumagat sa tatlong tao. Nagbunsod ng pagkahantad ang insidente sa walong katao. Ang pangalawang kaso ay dalawang tao naman ang kinagat ng isang aso na nagbunga ng pagkahantad sa 35 katao.

Ang ikatlong kaso ay kinasangkutan ng isang “rabid dog” ngunit walang kinagat na tao. Ang mga nahantad na indibiduwal ay mga technician na humawak sa mga aso na walang pananggalang o protective gear at mga driver ng mga sasakyang nagdala nung mga aso sa laboratoryo.

Sinabi ni Baldo na ang mga nakagat ay nabigyan ng antirabies vaccines at dinala ang mga aso sa laboratory para sa pagsusuri. Nabigyan din ang mga nahantad sa virus ng bakuna, dagdag niya.

Sinabi ni Baldo na walang anumang kaso ng rabies ang Sablan sa ilang taon dahil nagsasagawa ang bayan ng taunang anti-rabies vaccination ng mga aso at pusa.

Nagkaroon din sila ng mga aktibidad na may pondong nakalaan sa taunang badyet para sa nasabing pagbili ng mga bakuna.

“We have been regularly awarded for being the only town in Benguet that is able to annually implement a 90 percent vaccination of cats and dogs. We have been doing this for several years as a preventive measure,” aniya.

Subalit dahil sa pagdami ng rabid bites at pagkalantad ng mahigit 40 tao ay kinakailangang matugunan agad ang sitwasyon, ani Baldo. Nagdeklara ng state of emergency upang mapahintulutan ang mga lokal na opisyal sa access ng Quick Response Fund (QRF) para sa pagbili ng anti-rabies vaccines na nagkakahalaga ng PhP1,000 bawat isang turok at ibinibigay apat na beses sa isang tao na nakagat ng isang rabid dog.

Sinabi rin niya na bibili rin sila ng dog collars at tali upang mahawakan ang lahat ng palaboy na aso at pusa. Sa tulong ng provincial veterinary office at ng Department of Agriculture ay nagsagawa sila ng malawakang pagbabakuna ng nasa 1,700 aso at pusa na nasa limang-kilometrong palibot mula kung saan naitala ang pagkagat ng aso noong Hulyo 27 at 28. Ito ay palalawigin sa pito pang barangay ng Sablan.

Isang massive information campaign sa rabies ang ginawa rin sa tulong ng mga opisyal ng barangay, mga tanod at midwives upang tugunan ang problema.

Sinabi niya na ipagpapatuloy nila ang anti-rabies vaccination at hinimok niya ang publiko na dalhin ang kanilang mga alaga sa municipal veterinary office.

Ang Sablan ay may populasyon na 11,457 at may 1,700 aso at pusa na nabakunahan na. “Some households have 10 pets. Sablan people are animal lovers,” ani Baldo.

Sinabi din ni Baldo na may ordinansa ang Sablan na nagbabawal sa lahat ng palaboy na hayop ngunit mahirap itong ipatupad. Subalit sa kamakailang kaganapan ay pinakiusapan ng mga opisyal ng bayan ang mga residente na itali o ikulong ang kanilang mga alaga.

“At present, we are trying all means to contain the further spread of the rabies virus in the municipality and I believe with this help of the provincial vet, the regional office, and even you the media, to spread the information that everyone should have to take care of their pets. We can positively contain the spread of the virus,” ani Baldo.

PNA/PMCJr./ABN

Amianan Balita Ngayon