Residente ng Cagayan nagsagawa ng Peace Rally kontra CPP-NPA

CAGAYAN – Tuluyan nang tinalikuran ng mga residente sa Barangay Abariongan Uneg, Sto. Niño, Cagayan ang mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa pamamagitan ng kanilang isinagawang peace rally noong Marso 5.
Nabatid kay 1LT Paul Allen Tubojan, acting Civil Military Operations officer ng 17th Infantry Battalion, 5th Infantry Division ng Philippine Army na naka-base sa Bangag, Lallo, Cagayan, mahigit sa 400 katao ang nagsama-samang nagmartsa sa isinagawang peace rally upang maipakita at maiparating sa mga rebeldeng CPP-NPA na hindi sila katanggap-tanggap sa kanilang barangay.
Ayon kay Tubojan, kasunod ng peace rally, pinangunahan ni Barangay Captain Erwin Oli ang panunumpa sa katapatan ng Pilipinas na kung saan, naging manipestasyon ito ng kanilang tuluyang pagputol ng ugnayan sa mga rebelde at mga organisasyong konektado rito.
Hinimok ni Barangay Captain Oli ang kanyang mga nasasakupan na suportahan ang mga inilalatag na programa at mga proyekto ng pamahalaan.
“Susi sa ating hinahangad na progreso ang pagtatakwil natin sa mga NPA na walang dinala sa ating barangay kundi hinanakit at paghihirap. Isang napakalaking oportunidad na araw na ito upang maiparating sa kanila na wala silang puwang sa ating barangay. Nais natin ng positibong pagbabago at nariyan ang ating kasundaluhan, kapulisan, at mga ahensya ng pamahalaan na tutulong sa atin upang mapaunlad ang ating barangay.
Samasama tayo sa kapayapaan at kaunlaran ng ating mahal na barangay”
Inihayag naman ni Lt Col Angelo C Saguiguit, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion ang kanyang kagalakan sa tapang na ipinamalas ng mga residente upang itakwil ang rebeldeng CPPNPA.
“Tapusin na natin ang 52 na taong pagpapahirap ng mga rebeldeng CPP-NPA sa inyong lugar. Sa tulong ninyo, positibo nating nakikita ang magandang kinabukasan na walang mga teroristang CPP-NPA. Ang inyong pagsuporta sa ating mga programa ang siyang dahilan kung bakit nakakapasok na sa inyong barangay ang mga proyekto ng ating pamahalaan,” pahayag ni Saguiguit.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon