Region 1 naghahanda sa COVID-19 vaccine rollout

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Naghahanda na ang Ilocos Region para sa rollout ng coronavirus diseases 2019 (COVID-19) vaccination program.
Sa ikalawang pagpupulong ng Regional Vaccination Operation Center (RVOC) noong Miyerkoles (Marso 3), ipinagbigay-alam ni Regional Director Valeriano Lopez ng Department of Health – Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD1) na hinihintay pa nila ang pagdating ng mga bakuna sa rehiyon.
“Most likely, vaccines will be airlifted in Ilocos Norte while it will be via land travel in the other provinces in the region,” ani Lopez na RVOC chairperson din.
Habang hinihintay ang mga bakuna ay inumpisahan ng mga miyembro ng RVOC ang mga kinakailangang paghahanda. Sinabi ni Johnson Laureta ng Office of Civil Defense at lead of the Finance, Cold Chain, and Logistics Team na kasalukuyan nilang sinusuri ang kahandaan ng resources lalo na sa logistics at manpower.
Ipinagbigay-alam niya na ang delivery ng mga kahon ng heringgilya at safety collector boxes sa Pangasinan, Ilocos Sur, at Ilocos Norte ay ginagawa na mula noong Marso 2, habang para sa La Union ay isasapinal pa ang iskedyul.
Gayundin, naglabas ang Coordination Team ng RVOC Advisory No. 1 na naguutos sa local government units (LGUs) na magtatag ng kani-kanilang vaccination operatios center at RVOC Advisory No. 2 na hinihingi sa piling mga ospital sa Rehiyon 1 na magsumite ng listahan ng lahat ng empleyado na gusting mabakunahan ng SINOVAC.
Upang maghanda sa kaso ng ibang epekto matapos maturukan na maaaring maranasan ng mga nabakunahan, ay inupdate na ng Vaccination Safety, Surveillance, and Response Team ang listahan ng referral facilities at point persons.
Isa pa, iniulat ng Communications, Advocacy and Partnership Team sa pangunguna ng PIA ang massive information dissemination activities na isinasagawa sa rehiyon.
Sinabi ni PIA-1 Regional Director Jennilyne Role na kasama dito ang COVID-19 vaccination training para sa government information officers, pagsasagawa ng mga kapihan at radio programs na may inimbitahang bisita mula DOH-CHD1 at provincial health consultants, na napapanahong pagpopost ng mahahalagang updates sa official social media pages, coordination activities para sa mga pribadong kompanya bilang partners at pamamahagi ng impormasyon sa networks at iba pa.
Samantala ay sinabi ng DOH-CHD1 na may 14,194 doses ng bakuna ang nakalaan para sa 7,907 katao mula sa walong identified referral hospitals ang inaasahang dumating sa rehiyon sa susunod na mga araw o linggo kasunod ng pagdating ng CoronaVac vaccines sa bansa noong Pebrero 28.
Hanggang Marso 3, ang Region 1 ay may 535 active COVID-19 cases; 6,813 recoveries, at 299 deaths sa 7,647 total confirmed cases.
JPD-PIA LU/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon