Sa paglobo ng iligal na droga, napabayaan sa matagal na panahon

Noong Hulyo 1, 2016 matapos ang inagurasyon ni Duterte bilang bagong halal na Pangulo ng Pilipinas ay naglabas ang PNP ng Command Circular No. 16, ang “PNP Anti-Illegal Drugs Campaign Plan – Project : Double Barrel” kung saan nakapaloob dito ang panuntunan ng operasyon ng pulis para sa Giyera kontra Droga.
Nakadetalye sa panuntunan ang isang dalawang-tusok na pagtugon, ang Project “Tokhang” at “HVT.” Ang Tokhang o “pagkatok at magmakaawa” na pagbahay-bahay na pagbisita ng mga pulis upang hikayatin ang drug-users at drug pushers na sumuko at magparehsitro sa drug watchlist, habang ang HVT ay ang aktuwal na pagsasagawa ng anti-drug operations ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) na pinalitan ng Drug Enforcement Group (DEG) ngayon.
Dahil sa malawakang partisipasyon ng kumunidad sa implementasyon, ang “Oplan Tokhang” ang naging mas pamilyar na termino para sa tugon ng gobyerno sa Giyera kontra Droga.
Mula noon ay araw-araw nang laman ng mga balita ang pagkakahuli at pagpatay sa mga drug suspek at sa katunayan sa loob lamang ng tatlong linggo kasunod ng insiyal na deklarasyon ng Oplan Tokhang ay pumailanlang ang bilang ng mga kasong may kaugnayan sa droga sa mahigit 300.
Halos kalahati dito ay pinapaniwalaang gawa ng mga anti-drug vigilantes at kalahati ng gobyerno. Dahil sa pagbatikos, pagdududa at pagkondena sa mga pamamaraan ng operasyon ng PNP kontra droga maging ang pagkakasangkot ng mga personnel nito ay ginawang lead agency ang PDEA sa operasyon ng “Oplan Tokhang” na may mga pagbabago sa implementasyon nito.
Sa pinakahuling ulat na inilabas ng PNP at PDEA ay umabot na sa kabuuang 5,176 drug personalities ang napatay sa ilalim ng kontrobersiyal na kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Enero 31, 2019 samantalang nasa 20,000 ang nasa talaan ng human rights groups.
Ayon sa PNP at PDEA ay may kabuuang 170,689 drug suspects ang naaresto sa kasagsagan ng kabuuang 119,841 anti-illegal drugs operations sa nakalipas na dalawa at kalahating taon. Sa bilang na ito ay 263 ay mga nahalal na opisyal, 295 ay mga empleyado ng
gobyerno, at 69 ay mga unipormadong personnel.
Samantala ay nasa PhP19.14 bilyon kabuuang halaga ng shabu ang nakumpiska sa mga drug suspects na umakyat ng PhP308.27 milyon mula Disyembre 31, 2018.
Sinabi ng mga awtoridad na 301 dens at clandestine laboratories ang sinira habang may kabuuang 11,080 barangay ang idineklarang drug-cleared na.
Ang kabuuang bilang ng mga namatay sa Giyera kontra Droga ay matinding pinagtatalunan, inaakusahan ang gobyerno na ibinababa ang bilang ng mga biktima samantalang inaakusahan naman ng gobyerno at mga sumusuporta ang media at iba pang civil society groups na pinapalobo ang bilang para siraan si Pangulong Duterte.
Sinuman ang may tamang bilang ay dapat nating itanong ito, bakit umabot sa ganitong kalagayan ang problema sa droga? Saan patungo ang giyera laban sa iligal na droga at may makakamit ba na hustisya ang mga biktima na naging “collateral damage” lamang bunsod ng kampanya?
Hindi pa Pangulo si Rodrigo R. Duterte ay matagal na panahon nang naging problema ang droga, hindi lang sa Pilipinas kundi halos sa buong mundo.
Sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, panahon ng Martial Law at upang ipakita ang mala-bakal na kamao sa pagsupil sa droga ay isinagawa ang kauna-unahang pagpatay sa publiko sa pamamagitan ng firing squad noong Enero 15, 1973 kay Lim Seng, isang nagpupunyaging Tsinong-mangangalakal na naging notoryus na heroin drug dealer.
Sa kaniyang impluwensiya at koneksiyon sa Golden Triangle ay responsable siya sa pag-papaikot ng 1.2 tonelada ng heroin noong 1970s, 10 porsiyento ay para sa umuusbong na adiksiyon ng mga estudyante sa Metro Manila at ang 90 porsiyento ay iniluluwas sa Estados Unidos. Dahil sa pagkalat ng kalakalan sa droga noon ay ipinatupad ang 1972 anti-drug law kung saan nahuli at nahatulan si Lim Seng.
Mula noon, 46 na taon na ang nakakaraan, 33 taon na nakalipas mula ng mawala si Marcos at limang Pangulo na ang naupo sa Malacanang ay kapansin-pansing walang naging matigas at konkretong paninidigan at hakbang ang ginawa – hanggang sa maupo si Duterte at mistulang binulabog ang tahimik na paglala at paglobo sa problema ng droga sa bansa.
Ang pangakong tatapusin ni Duterte ang problema sa droga sa loob ng “anim na buwan” ay malaking dahilan ng pagkaluklok niya bilang Pangulo, katunayan ng semtimiyento ng publiko laban sa droga.
Subalit inamin niya mismo na hindi pala ganun kadali, na muling pinatunayan ang malala ng kalagayan ng iligal na droga sa bansa.
Sa likod ng kontrobersisya, mga batikos, banta at paninira sa kaniyang pamamaraan upang supilin ang kanser na dulot ng iligal na droga ay mas lalong pina-igting at ipagpapatuloy ni Pangulong Duterte ang giyera kontra droga at handa raw siyang harapin anuman ang kahihitnan ng kaniyang mga hakbang dahil ayon sa kaniya ay mas mahalaga ang mga buhay ng nakakaraming tahimik na mamamayan kaysa iilang salot sa lipunan.
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon