Supplier ng shabu nalambat sa Baguio

LA TRINIDAD, Benguet – Nasa kabuuang 84.5 gramo ng shabu na may halagang P574,600 ang nakumpiska sa apat na drug personality mula sa isang araw na drug operation ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar sa Cordillera.
Nabatid kay Baguio City Police Office Director Glen Lonogan, nalambat nila ang isa sa supplier ng shabu sa lungsod na kinilalang si Joey Mar Pislaan Gando,30, ng Tulingan,Barangay 14, Caloocan City at nakatala bilang Regional Top Ten Drug Personality.
Ayon kay Lonogan, 75 gramo ng shabu na may halagang P510,000 ang narekober ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Jose Abad Santos Drive, Burnham-Legarda, Baguio City.
Sa panayam, iniutos ni Lonogan sa kanyang mga tauhan na paigtingin pa ang kampanya laban sa illegal drugs at tutukan ang mga supplier at drug pusher sa lungsod.
“Na-monitor naming na itong suspek ay isa sa supplier ng shabu dito sa Baguio at karatiglalawigan. May mga runners siya na taga benta, kaya ito ang pinapatutukan ko sa ating mga tauhan.”
Sa kasalukuyan ay may 14 na barangay pa ang nasa drug watchlist, pero ang lima dito ay nagsumite na sila ng report para sa drug free barangay.
“May marching order si Mayor Magalong sa akin na gusto niya maging drug free na ang 128 barangay, kaya ito ay priority naming at umaapela ako sa ating mga residente na magtulong-tulong tayo na sugpuin ang droga sa ating siyudad,” pahayag pa ni Lonogan.
Sa Kalinga, tatlong High Value Individual (HVI) ang magkakasunod na nasakote sa search operation ng Tabuk City PS at PDEA na nakilalang sina Ricky Alunday Balway, 30, tubong Butbut, Tinglayan, Kalinga at residente ng Purok 3, Lacnog, Tabuk City, Kalinga; Elmer Bagay Allib, 40, ng Barangay Lacnog,Tabuk City,Kalinga at Tonton Oggay Palangdao,28,of Purok 3, Lacnog, Tabuk City.
Narekober ng pulisya ang 2 gramo ng shabu na may halagang P13,600.00 sa pag-iingat ni Balway, samantalang 5 gramo naman ng shabu sa halagang P34,000 kay Palangdao at 2.5 gramo na may halagang P17,000 mula kay Allib.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon