Suspek sa pagpatay sa 3 katao, hinahanting

LA TRINIDAD, Benguet – Hinahanting ngayon ng pulisya ang suspek na pumatay sa tatlong kalalakihang taga Besao, Mountain Province habang nangingisda sa ilog malapit sa boundary ng Tubo, Abra, noong Mayo 21.
Iniutos ni Police Brigadier General Israel Dickson, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, mula sa binuo nitong Provincial Special Investigation Task Group (PSITG) na bigyan
prioridad na malutas agad ang brutal na pagpatay sa tatlong biktima.
Aniya, bagama’t natukoy na ang suspek at nasampahan na ito ng kasong multiple murder noong Hunyo 21, ay kinakailangan magsagawa ng masusing imbestigasyon, upang malaman ang motibo ng pagpaslang, habang hinihintay ang paglabas ng warrant of arrest.
Ang mga biktimang sina Jansen Salibungey Gabaen, Pedro Mabiasan Sauyen at Ronnie Diosan Macayba, kapuwa taga Barangay Agawa, Besao, Mountain Province ay iniulat na nawawala noong Mayo 21, habang nangingisda sa ilog sa boundary ng Barangay Agawa, Besao at Barangay Baklingayan, Tubo, Abra.
Makalipas ang ilang araw, ang mga bangkay ng biktima ay nakita di-kalayuan sa ilog, na pawang may mga taga ng patalim sa katawan at ang dalawa ay may mga tama ng baril sa katawan.
Ang nag-iisang suspek na si Marlon Bacalli Batuli ay nagtatago ngayon matapos umamin umano sa krimen at ang mga barangay official at mga elder ng Barangay Tabacda ay hinihimok ang suspek na sumuko at harapin ang ginawang krimen.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon